Arestado

Nagpaputok, nanutok ng boga, inaresto

Edd Reyes May 5, 2026
21 Views

NADAKIP ng mga pulis ang kelot na nanutok ng baril sa bisita ng kanyang tiyahin at dalawang beses pang nagpaputok paitaas noong Martes sa Malabon City.

Hinabol ng mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Allan Umipig si alyas Eric sa M. Sioson St., Brgy. Dampalit matapos ituro ng biktima niyang si alyas Neri na tinutukan niya ng baril dakong alas-3:15 ng madaling araw.

Sa ulat kay Northern Police District (NPD) director P/BGen. Christopher Dela Cruz, dumalo sa birthday party ng tiyahin ng suspek ang biktima kung at nakainuman si alyas Eric, ang biktima.

Sa gitna ng inuman, nagkaroon ng argumento sa pagitan nina alyas Eric at Neri at upang hindi na lumala ang alitan, umuwi na ang biktima pero sinundan siya ng suspek hanggang tutukan ng hawak na carbine bago dalawang ulit na pinaputok paitaas.

Naawat lang ang suspek nang mamagitan ang kanyang ama kaya’t nakahingi ng tulong sa Police Sub-Station 7 ang biktima na dahilan para tugisin si alyas Eric na nagtatakbo papasok sa kanilang bahay.

Nakita sa bahay ng suspek ang hindi lisensiyadong cal. 5.56mm airsoft rifle, air gun rifle, plastic AK-47 replica, carbine buttstock at isang Beretta M12 replica.