Calendar
Source: QCPD-PIO
NAPOLCOM exec na nanakot lagot sa kasong grave threat
NAHAHARAP sa kasong grave threat ang opisyal ng National Police Commission (NAPOLCOM) matapos umanong magbanta at manutok ng baril sa Transport Network Vehicle Service (TNVS) driver kasunod ng banggaan ng kanilang mga sasakyan sa Quezon City noong Biyernes.
Kinilala ng Quezon City Police District (QCPD) ang nadakip na suspek na si alyas Jaime, 58, Police Inspector III ng NAPOLCOM at ang biktima na 42-anyos na TNVS driver mula sa Macabebe, Pampanga.
Nagkaroon muna ng minor vehicular collision ang dalawa sa EDSA sa Mandaluyong City at namagitan ang isang traffic enforcer ng MMDA at inatasan silang lumipat sa tapat ng Robinsons Galleria upang hindi makasagabal sa daloy ng trapiko.
Subalit pagdating sa lugar, nauwi sa mainitang pagtatalo ang usapan hanggang sa bumunot ng service firearm ang suspek.
Ayon sa imbestigasyon, isinuksok muna nito ang baril sa kanyang shorts bago itinuro sa lupa habang tinatakot ang biktima.
Dahil sa takot, humingi ng tulong ang TNVS driver sa pulisya kaya rumesponde ang mga tauhan ng Eastwood Police Station 12 at inaresto ang suspek.
Narekober mula sa nanakot ang 9mm pistol, isang magazine, 15 bala at mga kaukulang dokumento para sa naturang baril.
Lumalabas din sa imbestigasyon na posibleng nakainom ng alak ang suspek nang maganap ang insidente.
Ayon kay QCPD Director PBGen. Randy Glenn Silvio, walang sinuman ang nakahihigit sa batas at pananagutin ang sinumang lalabag dito.

