Rider

Rider sumalpok sa armored truck, nakaladkad sa San Marcelino Street, Malate, tigok

Jon-jon Reyes Jun 13, 2026
55 Views
Rider1
Ang nasawing rider. JONJON C. REYES

DEAD on the spot ang isang rider matapos madulas, mawalan ng balanse, at sumalpok sa paparating na armored truck sa kahabaan ng Nakpil St. corner San Marcelino St, sa Malate, Manila madaling araw ng Biyernes.

Nakilala ang biktima na si alyas Joevanni, lalaki, nasa hustong gulang, nakatira sa Arkansas Street, Ermita.

Ang driver ng armored truck ay nakilalang si alyas Elizaldo, 39, lalaki, may asawa, driver at nakatira sa Sitio Bartag, Barangay Look, Cardona, Rizal.

Ayon kay Police Capt. Joel Aquino, chief ng Vehicular Investigation Traffic Section ng MDTEU- Manila Police District, bandang 5:05 ng madaling araw nang mangyari ang aksidente.

Base sa imbestigasyon at sa kuha ng CCTV na nakuha mula sa Barangay 690, Zone 75, binabaybay ng Isuzu armored truck (AKA-8733) ang westbound lane ng Nakpil St. habang binabaybay ng rider na lulan ng Honda ACB125CBFPII (823-USP) ang southbound lane ng San Marcelino Street nang mangyari ang trahedya.

Pagdating sa intersection, ang rider ay nadulas sa semento at sumalpok sa armored truck.

Nahulog ang rider sa semento at nakaladkad ng armored truck ng ilang metro.

Nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan ang rider na nagresulta sa kanyang pagkamatay.

Ang mga sasakyang kasangkot ay nagkaroon din ng pinsala.

Pagdating ng rumespondeng MDRRMO ambulance sa pangunguna ni Cassandra Jetrelle Dilig, team leader, ang rider ay nadatnang nakahandusay at wala ng buhay. Ang insidente ay makikita sa medikal na ulat na nilagdaan ni Dr. Maria Cristina Carbon, emergency medicine physician mula sa MDRRMO.