PNP Air Unit

NAPOLCOM todo suporta sa PNP Air Unit

Jun I Legaspi Jul 4, 2025
292 Views

NAGPAHAYAG ng buong suporta ang National Police Commission (NAPOLCOM) sa pagdiriwang ng ika-57 anibersaryo ng pagkakatatag ng Philippine National Police (PNP) Air Unit para sa pagpapahusay ng kakayahan ng yunit upang mapagsilbihan ang publiko at mapanatili ang pambansang seguridad.

Ipinahayag ni NAPOLCOM Vice Chairperson at Executive Officer Atty. Rafael Vicente R. Calinisan ang pagtutok ng Komisyon sa pagpapalakas ng PNP Air Unit.

Tiniyak niya sa mga opisyal at tauhan na handa ang NAPOLCOM na magpasa ng resolusyon kung kinakailangan upang suportahan ang modernisasyon at mga operasyunal na pangangailangan ng yunit.

Binigyang-diin niya na ang pagpapalakas sa mga kakayahan sa lohistika at operasyon ng yunit ay mahalaga upang matugunan ang lumalawak na pangangailangan sa pagpapatupad ng batas, lalo na sa panahon ng mga kalamidad at kritikal na misyon sa seguridad.

Ang mungkahi na itaas ang antas ng PNP Air Unit bilang national support unit ay magbibigay rito ng mas malawak na pondo, estratehikong abot at mas matibay na mandato sa loob ng PNP.