Calendar
DA hinarang 59 container vans sa Subic Freeport
PINASUSUSPINDE ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. sa Bureau of Customs (BOC) ang paglabas sa pantalan ng 59 container vans na ibinaba kamakailan sa Subic Bay Freeport dahil hinihinalang may lamang mga smuggled agricultural products ang mga ito.
Ayon kay Tiu Laurel, naaayon ang naturang kahilingan sa direktiba ni President Ferdinand Marcos Jr. na paigtingin ng Department of Agriculture (DA) ang crackdown sa mga agricultural smuggling, na hindi lamang nakakasira sa market prices at sa kita ng mga local farmer kundi delikado din sa pampublikong kalusugan.
“Under the new Anti-Agricultural Economic Sabotage Law, we can pursue not just consignees, but customs brokers, transporters, sellers, and buyers. Smuggling is no longer a victimless crime—we are going after the entire supply chain,” ani Tiu Laurel.
Samantala, sa hiwalay na operasyon sa Port of Manila ng magkasanib na puwersa DA, DOH, FDA, at BOC, natuklasan na misdeclared bilang processed food ang anim na container vans.
Naglalaman ang mga ito ng 100 tonelada ng sariwang sibuyas at frozen mackerel, na nagkakahalaga ng kabuuang P34 milyon at naka-consign sa Latinx Consumer Goods Trading at Lexxa Consumer Goods Trading, na maaaring i-blacklist ng Bureau of Plant Industry.
Ayon kay Tiu Laurel, naka-consign naman sa limang trading firm ang mga container na nasa Subic, na ngayon ay nirerepaso para sa posibleng pag-blacklist.

