Grad1

Pantay na oportunidad upang lahat makapagtapos ng pag-aaral ipinaglalaban

ISINUSULONG ni Senador Alan Peter Cayetano ang “Makakapagtapos Ako Act of 2025” na layong alisin ang lahat ng hadlang sa edukasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng kumpletong suporta sa mga mag-aaral mula kindergarten hanggang graduate school.

Inihain noong Hulyo 3, 2025, ang panukalang batas ay kabilang sa mga pangunahing prayoridad ni Cayetano para sa ika-20 Kongreso.

Layon ng panukalang batas na palawakin ang saklaw ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act sa pamamagitan ng pagbibigay hindi lamang ng libreng tuition kundi pati ng ayuda para sa iba pang gastusin sa edukasyon.

Kabilang sa mga saklaw nito ang mga mag-aaral sa pampublikong kindergarten, elementarya, high school, kolehiyo, hanggang graduate school, pati na rin ang mga nasa technical-vocational programs at Alternative Learning System (ALS).

“Our growth through education and lifelong learning is a fundamental right, not a mere privilege,” ani Cayetano sa kanyang paliwanag.

“Yet for many Filipinos, access to quality education remains elusive, often determined more by socio-economic status than by ability and determination,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin ni Cayetano na sa kabila ng pagtaas ng enrollment bunsod ng libreng tuition, marami pa ring estudyante ang napipilitang huminto sa pag-aaral dahil sa mga tinatawag na “hidden costs” gaya ng school supplies, transportation, at iba pang bayarin.

Ayon sa datos mula sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), kung saan siya ay co-chair, umabot sa 39 porsyento ang dropout rate sa antas ng tertiary education sa taong 2025.

Samantala, bumaba ang education subsidies para sa pinakamahihirap mula 74.24% noong 2018, tungong 30.74% noong 2022.

Sa ilalim ng panukala, lahat ng mag-aaral sa pampublikong basic education ay makatatanggap ng libreng school supplies, uniporme, at learning materials sa simula ng bawat school year.

Inaatasan din ang mga lokal na pamahalaan na magtatag ng Local Government Educational Assistance Program para magbigay ng pinansyal na tulong sa mga residenteng naka-enroll sa pampubliko o pribadong kolehiyo at unibersidad. Prayoridad sa ayudang ito ang mga estudyanteng kabilang sa marginalized sectors, kumukuha ng priority courses, at may mataas na academic performance.

Nakasaad din sa panukala ang pagkakaloob ng tulong pinansyal sa mga kukuha ng licensure exams, mga nag-aaral sa master’s o doctoral degrees, at mga estudyanteng naka-enroll sa tech-voc programs.

May nakalaang suporta para sa mga mag-aaral na may kapansanan, miyembro ng indigenous communities, solo parents, at iba pang kabilang sa disadvantaged sectors.

Iminungkahi rin ni Cayetano ang paglalaan ng P25 bilyon kada taon sa loob ng sampung taon upang pondohan ang pagpapaayos at pagpapalawak ng mga pasilidad, kabilang ang mga dormitoryo sa state universities and colleges (SUCs). “By investing in the physical capacity of our public institutions, we complete the support system,” aniya.

Bilang chair ng Senate Committee on Higher, Technical, and Vocational Education, matagal nang itinutulak ni Cayetano ang mga panukalang batas na hindi lamang tumutok sa access kundi sa kalidad at pagtatapos ng edukasyon. “We need to come up with a good law na hindi lang scholarship kundi from birth pa lang, how to get to college, at paano makapagtapos,” pahayag niya sa isang pagdinig noong Hunyo 9, 2025.