NBI

NBI ni-raid online fraud entity; 37 suspek arestado

Jon-jon Reyes Mar 13, 2026
144 Views

NANINIWALA ang National Bureau of Investigation-Human Trafficking Division (NBI-HTRAD) na nabuwag nito ang isang social engineering at online fraud operation at naaresto ang 37 suspek na sangkot sa panloloko sa pag-raid sa naturang lugar noong Huwebes sa San Pedro, Laguna.

Ni-raid ang lugar sa pakikipag-ugnayan sa Securities and Exchange Commission (SEC) Region IV-A at NBI-Laguna District Office (NBI-LAGDO).

Nakita ng mga otoridad ang organisadong opisina na nahahati sa mga espesyal na istasyon ng panloloko.

Nag-aalok ng mapanlinlang na pagpopondo sa utang at mga mapanlinlang na serbisyo sa marketing at nanghihikayat sa mga biktima ang modus ng ni-raid na opisina, ayon sa NBI.

Paglabag sa RA 12010 (Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA) at RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012) ang kakaharapin ng mga sangkot sa operasyon ng ni-raid na entity dahil sangkot ito sa ilegal na pag-access, data interference at system interference.

Lahat ng narekober na mga electronic device at gadget ay dinala na sa NBI Headquarters sa Pasay City.

“Ang matagumpay na interbensyon sa sopistikadong pamamaraan na ito ay nagpapakita ng matatag na pasiya na harapin ang high-tech na kriminalidad ng direkta,” sabi ni NBI Director Atty. Melvin Matibag.