Calendar
New Espionage Act pasado na sa Kamara
INAPRUBAHAN ng Kamara de Representantes sa huling pagbasa ang panukalang batas na magpapalakas sa kakayahan ng bansa laban sa espionage, cyber-enabled spying, pag-atake sa kritikal na imprastraktura at iba pang makabagong banta sa pambansang seguridad.
Sa botong 247 pabor, 10 tutol at walang abstention, inaprubahan ng Kamara ang House Bill No. 9642 o “New Espionage Act.”
Ayon sa mga mambabatas, nagbago na ang anyo ng espionage dahil hindi na lang ito tungkol sa pagnanakaw ng dokumento o mga espiya na tumatawid ng mga hangganan kungdi maaari na ring gamitin ang cyber networks, drones, financial channels at pag-atake sa kritikal na imprastraktura upang isagawa ang mga banta sa seguridad ng bansa.
Tiniyak ni House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos na patuloy na magsusulong ang Kamara ng mga batas na makakasabay sa mga bagong uri ng banta at magbibigay sa pamahalaan ng sapat na kagamitan at kapangyarihan upang maprotektahan ang bansa.
Kabilang sa mga may-akda ng panukala sina Marcos, Reps. Ysabel Maria J. Zamora, Lordan Suan, Jurdin Jesus Romualdo, Gerville Luistro at Javier Miguel Lopez Benitez.
Sa ilalim ng panukala, bibigyang-prayoridad ang pambansang soberanya, territorial integrity, pambansang interes at karapatan ng mamamayan sa self-determination, habang malinaw ding itinatakda na dapat igalang ang mga karapatang konstitusyonal at pangunahing kalayaan.
Paparusahan ang hindi awtorisadong paghawak o pagsisiwalat ng classified information na maaaring makapinsala sa Pilipinas, gayundin ang ilegal na pag-access sa mga plano ng kritikal na imprastraktura at defense facilities.
Ang espionage at conspiracy to commit espionage ay maaaring patawan ng habambuhay na pagkabilanggo nang walang parole kasama ang multang P10 milyon hanggang P20 milyon.
Kasama rin sa mga maaaring parusahan ang sadyang paggawa ng maling deklarasyon upang makakuha ng authorization o security clearance, pagsira o panghihimasok sa national defense assets, at ilegal na pagmamay-ari o pagkontrol sa mga kagamitang gaya ng drone, camera, listening device at tracking equipment kung gagamitin sa ipinagbabawal na surveillance o paniniktik.
Pinapayagan din ng HB 9642 ang extraterritorial application sa ilang partikular na sitwasyon.
Sa mga imbestigasyon, bibigyan ng panukala ng kapangyarihan ang mga kwalipikadong military, law enforcement at intelligence personnel na humingi ng awtorisasyon mula sa Court of Appeals para sa surveillance, interception at recording ng communications kung may makatwirang basehan na may naganap o magaganap na espionage.
Maaari ring imbestigahan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang mga ari-arian at pondong konektado sa mga kasong espionage, alinsunod sa mga umiiral na batas laban sa money laundering.
