Calendar
Pera ng tao pambayad sa utang na di pa nagagamit
BINABAYARAN ng gobyerno ang dayuhang bangko kahit hindi pa natatayo ang riles. Ito ang commitment fee sa official development assistance (ODA) konsesyunal na pautang mula sa ibang bansa o development bank.
Hindi nito binibili ang riles, istasyon o lupa. Bayad lang ito para nakaabang ang pera sa lender. Samantala, naghihintay pa rin ang commuter sa mas mabilis na biyahe.
Sa 2024, umabot sa humigit-kumulang P1.02 bilyon ang commitment fee na binayaran ng gobyerno, ayon sa tala ng Commission on Audit. Mahigit P202 milyon nito ay sa proyekto na hindi pa rin nagsimula.
Habang walang gawa, tumataas ang presyo ng bakal, semento, sahod at lupa. Kailangang i-rebid ang kontrata. Kailangang magbayad ulit para sa right-of-way. Ang murang ODA ay nagiging mahal dahil antala.
Kaya ito inilabas ulit sa Senado sa pagdinig ng Finance Subcommittee A sa panukalang P300.96-bilyong 2027 budget ng Department of Transportation (DOTr).
“We no longer want taxpayers waiting on huge allocations only to experience repeated delays, right-of-way problems, and revised completion dates. We are the ones paying for these through commitment fees and additional expenses whenever delays happen,” ani Sen. JV Ejercito.
Binanggit ni Senate President Win Gatchalian ang mga ODA project na delayed o hindi pa nagsisimula, at hiniling niyang i-audit ng DOTr kung alin dito ang hindi na kailangan at puwedeng putulin.
Wala namang pondo para sa Mindanao Railway sa panukalang badyet, ayon kay Sen. Bong Go.
“Mindanao deserves the same sustained investment in mass transportation and connectivity that we are pursuing in other parts of our country,” aniya.
