Calendar
NLEx, Marilao magtutulong sa pangangalaga ng mga ligaw na hayop sa expressway
UPANG maiwasan ang mga ligaw na hayop sa North Luzon Expressway (NLEx), tutulong sa pagsagip at pagbibigay ng wastong pangangalaga sa mga stray animals ang Animal Shelter and Care Facility (ASCF) ng Marilao, Bulacan.
Ito ang nakapaloob sa kasunduan sa pagitan nina NLEX President at General Manager Luna Reñon at Marilao Mayor Atty. Jemina Sy na layong maprotektahan, hindi lang ang mga hayop, kundi higit sa lahat ang mga motoristang dumadaan sa expressway.
Bahagi ng pagtutulungan ang pagtatatag ng NLEX ng Animal Rescue Team (ART) na kinabibilangan ng mga sinanay sa maayos na pagsagip sa mga ligaw na hayop.
Dadalhin sa ASCF para mapangalagaang mabuti ang mga maililigtas na hayop.
Bilang hakbang din sa kaligtasan ng mga miyembro ng ART, lahat ay sumailalim sa pagbabakuna laban sa rabies sakali mang makagat o makalmot ng ligaw na hayop.
Nagpasalamat si Mayor Sy sa naging kasunduan nila ng NLEX na kauna-unahang pagtutulungan para sa iisang layunin–ang mapanatiling ligtas ang mga motorista at kapakanan ng mga ligaw na hayop.
Ang NLEX Corporation ay sangay ng Metro Pacific Tollways Corporation.

