Calendar
OFW Party List nakikiisa sa panawagan na dapat maglatag ang DMW ng mga plano para sa mga OFWs
NAKIKIISA ang OFW Party List group sa panawagan ng Senado sa Department of Migrant Workers (DMWi) na dapat itong maglatag ng mga konkretong plano para mapangalagaan ang seguridad at kapakanan ng libo-libong Overseas Filipino Workers (OFWs).
Ayon kay dating OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” P. Magsino, napakahalagang makakapaglatag ang DMW ng mga komprehensibong plano na naglalayong agad na matugunan ang mga problemang kinakaharap ng mga kababayan nating OFWs.
Isa sa nakikita ni Magsino na epektibong konkretong plano na dapat ilatag ng ahensiya ay ang pagkakaroon ng bilateral agreement sa pagitan ng Pilipinas at isang partikular na bansa para matiyak na mapapangalagaan ang kapakanan ng mga OFWs sa ibayong dagat.
Kasabay nito, sinusuportahan din ni Magsino ang pagpapalakas o pagpapa-igting ng kampanya ng pamahalaan laban sa human trafficking sa pamamagitan ng pagbabantay sa mga backdoor exit points kabilang na dito ang pagbibigay ng regular na medical checks ups sa mga OFWs para matiyak na sila ay nasa maayos na kalusugan.
Muling ipinahayag ng dating kongresista na nananatiling aktibo ang OFW Party List sa pagtutok sa kalagayan ng mga OFWs kabilang na dito ang pagbibigay ng serbisyo sa kanila sa pamamagitan ng ayuda at ibang katulad nito.
Samantala, bumisita naman sa tanggapan ni Magsino si Tatay Anacleto Dagulo sa OFW Tulong At Serbisyo Center sa Ayala Malls Manila Bay kung saan si Dagulo ay isa sa mga natulungan ng OFW Party List noong ito ay naka-confine sa Philippine Heart Center.
Ikinagagalak naman ni Magsino ang pagbisita ni Dagulo at para personal na pasalamatan nito ang dating kongresista para sa mga naitulong nito sa kaniya.

