Speaker Romualdez

Ombudsman walang sapat na dahilan para kasuhan si ex-Speaker Romualdez, ayon sa abogado

Mar Rodriguez Aug 27, 2026
39 Views

IGINIGIIT ng legal counsel ni dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na walang sapat na dahilan ang Office of the Ombudsman para magsampa ng kaso laban sa dating lider ng Kamara kaugnay ng umano’y anomalya sa mga proyekto sa flood control.

Ayon kay Atty. Ade Fajardo, walang kapani-paniwalang saksi na direktang nag-uugnay kay Romualdez sa sinasabing iregularidad o sa umano’y paghahatid ng kickback.

“Wala po kaming nakikitang dahilan kaya ang aming panalangin, ang aming hiling sa tanggapan ng Ombudsman ay i-dismiss na po ito, ibasura na itong reklamo laban kay former Speaker Romualdez,” ayon kay Atty. Fajardo.

Umabot na sa 32 dating saksi kabilang ang tinukoy na star witness na si Orly Guteza, ang umano’y bumawi sa kanilang mga paratang laban sa dating House Speaker.

Sinabi nito na ang mga ito ay pawang dating tauhan ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co na nahaharap naman sa warrant of arrest mula sa Sandiganbayan dahil sa umano’y pagkakasangkot sa kontrobersiya sa flood control projects.

Ayon sa abogado, magkakaugnay ang mga naturang saksi dahil kabilang sila sa iisang grupo at naging mga driver, security personnel at administrative aide ni Co.

Binigyang-diin din ni Fajardo na wala umanong saksi na direktang nag-uugnay kay Romualdez sa flood control scam at sa sinasabing paghahatid ng kickbacks.

“Kahit si secretary, dating Kalihim (Manuel) Bonoan ay hindi naman nagsalita tungkol dito, hindi naman siya nag-ugnay kay Congressman Romualdez sa flood control scam. Walang ganung testimonya,” ani Fajardo.

Wala rin umanong district engineer, assistant district engineer o iba pang personnel sa ground na nagbigay ng testimonya na may partikular na flood control project na hindi naisagawa, hindi natapos o pinakialaman ni Romualdez.

Sinabi rin ng abogado na wala umanong contractor na nagbigay ng testimonya na nag-uugnay sa dating Speaker sa naturang anomalya.

Samantala, sinabi ni Fajardo na nabasa niya ang mga ulat tungkol sa pahayag ng Ombudsman na mayroon itong 28 bagong saksi laban kay Romualdez.

Gayunman, ayon sa abogado, hindi pa nila nakikita o nalalaman kung sino ang mga naturang saksi.

“’Yun ang naging statement last week ng tanggapan ng Ombudsman. Pero hanggang ngayon po hindi pa namin nakikita or nababasa or nalalaman kung sino itong 28 witnesses,” ani Fajardo.

Umaasa ang kampo ni Romualdez na ibabasura ng Ombudsman ang reklamo dahil wala pang naihaharap na kapani-paniwala at direktang ebidensiyang nag-uugnay sa dating Speaker sa umano’y anomalya sa flood control projects.