Calendar
Panukala ni Aquino palalawakin P1K social pension sa mas maraming seniors
ISINUSULONG ni Sen. Bam Aquino ang pagpapalawak ng saklaw ng P1,000 buwanang social pension upang maisama ang mga senior citizen na walang natatanggap na social pension o may pensyon na hindi lalampas sa P3,000.
Sa Senate Bill No. 269, nais ni Aquino na amyendahan ang Expanded Senior Citizens Act of 2010 upang palawakin ang mga maaaring makinabang sa tulong.
Inihain ni Aquino ang panukala noong Hulyo 8, 2025 at nakabinbin ito sa komite mula Agosto 5, 2025.
Sa kasalukuyan, P1,000 kada buwan na ang social pension para sa mga kwalipikadong indigent senior citizens sa ilalim ng Republic Act No. 11916, mula sa dating P500.
Sinimulang ipatupad ang mas mataas na halaga noong Enero 2024. Ayon sa Department of Social Welfare and Development, 4,112,895 indigent senior citizens ang nakatanggap ng social pension noong 2025.
Sa ilalim ng kasalukuyang programa, maaaring makinabang ang mga indigent senior citizen na edad 60 pataas na mahina, may sakit o kapansanan at walang regular na kita, pensyon o sapat na suportang pinansyal mula sa pamilya.
Palalawakin ng panukala ni Aquino ang saklaw upang maisama ang mga senior citizen na walang natatanggap na social pension o may pensiyong hindi hihigit sa ₱3,000.
Sinabi niyang maaaring makatulong ang regular na pensiyon sa pagkain, gamot, bayarin sa utilities, transportasyon at iba pang pang-araw-araw na gastusin.
“A pension can help cover food, medicine, utility bills, or transportation costs, easing the financial pressure on younger relatives who may already be juggling their own expenses,” ani Aquino.
Bahagi ang Senate Bill No. 269 ng 10 “Panukalang Batas para sa Abot-Kayang Pamumuhay” na inihain ni Aquino.
Naghain din siya ng Senate Bill No. 2386, o National Disability Support Act, na naglalayong magbigay ng P2,000 buwanang disability support allowance sa mga kwalipikadong persons with disabilities.
