P3.06B evacuation center funds kwinestyon ni Lacson

30 Views

KWINESTYON ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson kung bakit may P3.06 bilyong nakalaan para sa evacuation centers sa 2027 budget kahit wala pa umanong tinukoy na mga lokasyon.

Sinabi ni Lacson na tig-P180 milyon ang nakalaan para sa evacuation centers sa bawat isa sa 17 rehiyon o P3.06 bilyon.

“Interestingly, sabi ninyo Sec, ang budget preparation is execution-ready. May program of work, etc.

Pero may nakita kaming P180M each (region), lump sum ito, intended for all 17 regions, evacuation centers. Wala man lang naka-specify saang lugar sa region… walang specifics,” sabi ni Lacson kay DBM Secretary Kim Robert de Leon.

Ang “execution-ready” ay tumutukoy sa mga proyektong sapat na ang paghahanda upang maipatupad kapag nailabas ang pondo.

Sinabi rin ni Lacson na nakakita siya ng tig-P100 milyong allocation para sa 17 rehiyon sa 2026 budget na, ayon sa kanya, may kahalintulad na kakulangan sa detalye.

Tatanungin din niya ang Department of Public Works and Highways tungkol sa mga alokasyon ngunit kinuwestiyon niya ang DBCC kung bakit pinayagan ang mga item na kulang umano sa detalye.

“Bakit ninyo pinayagan sa DBCC na magkaroon ng budget na ang item e halos blangko? May amount, walang specs?” tanong niya.

Ipinaliwanag ni de Leon na kailangan pa ring isumite ng mga kinauukulang ahensya sa DBM ang pinal na detalye bago maipatupad ang mga alokasyon at hindi pa tapos ang Office of Civil Defense sa listahan.

Iginiit naman ni Lacson na dapat naibigay na ang mga detalyeng iyon sa yugto pa lamang ng paghahanda ng budget.

Kinuwestiyon din ni Lacson ang tinatayang P75 milyong halaga ng bawat evacuation center na iniuugnay niya sa OCD at ikinumpara ito sa P12.77 milyong evacuation center sa Ibaan, Batangas na itinayo sa tulong ng mga pribadong grupo.

“Ilang evacuation center following this model ang mapapagawa ng P3.06 billion?” tanong ni Lacson.