Bullying sinabing dahilan para higpitan gamit ng kabataan sa socmed

38 Views

BINANGGIT ni Sen. Joel Villanueva ang mga datos sa bullying at digital distraction sa mga estudyante bilang bahagi ng kanyang pagsusulong ng panukalang paghihigpit sa access sa age-restricted social media platforms ng mga batang wala pang 16 taong gulang.

Sa kanyang co-sponsorship speech para sa Senate Bill No. 2424 o Child Online Safety and Protection Act nitong Miyerkules, sinabi ni Villanueva na batay sa 2022 Programme for International Student Assessment data, 43 porsiyento ng mga batang babae at 53 porsiyento ng mga batang lalaki sa Pilipinas ang nakaranas ng bullying ng ilang beses bawat buwan.

Sinabi rin niyang tinatayang isa sa bawat tatlong estudyante ang nakararanas ng bullying nang hindi bababa sa isang beses kada linggo.

“Hindi lamang ito simpleng asaran o tampuhan ng mga bata,” sabi ni Villanueva.

Ayon sa senador, may epekto ang bullying sa pag-aaral, kumpiyansa sa sarili, kaligtasan at kapakanan ng mga estudyante, at maaari itong magpatuloy sa social media kahit nakauwi na ang bata.

Ang mga bilang ay mga datos na binanggit ni Villanueva sa kanyang speech at hindi hiwalay na findings ng Senado.

Iniugnay ni Villanueva ang mga concern na ito sa Senate Bill No. 2424, na ayon sa kanya ay magtatakda ng minimum age para sa access sa age-restricted social media platforms.

“Children below sixteen years of age shall not be allowed to create, access, or maintain accounts on these platforms,” sabi niya.

Sinabi ng senador na kinikilala rin ng panukala ang pangunahing papel ng mga magulang at legal guardians sa paggabay at pagbabantay sa paggamit ng social media ng kanilang mga anak.

Papayagan naman, ayon sa kanyang speech, ang access kung kinakailangan para sa certified educational activities sa ilalim ng guidance ng Department of Education, Commission on Higher Education o Technical Education and Skills Development Authority.

Sinabi rin ni Villanueva na nais ng panukala na tugunan ang mga panganib na iniuugnay niya sa online exploitation, abuse, bullying at content na hindi angkop sa edad.

Tinukoy din niya ang Australia, France at Indonesia bilang mga bansang gumawa umano ng mga hakbang upang higpitan ang access ng mga bata sa social media.