Sotto

Status ni Lachica kwinestyon ni Sotto

29 Views

KINUWESTYON ni Senator-Judge Vicente Sotto III ang employment status ni Col. Raymund Dante Lachica matapos lumitaw sa testimonya ang kanyang papel sa confidential-fund activities ng Office of the Vice President.

Tinanong ni Sotto si OVP Assistant Secretary Lemuel Ortonio kung empleyado ng OVP si Lachica.

Sinabi ni Ortonio na si Lachica ay isang opisyal ng Armed Forces of the Philippines na itinalaga sa Vice Presidential Security and Protection Group upang magbigay ng seguridad kay Vice President Sara Duterte at hindi regular na empleyado ng OVP.

Ayon kay Acosta, si Lachica ang itinalagang implementor ng confidential activities kahit hindi siya ang special disbursing officer na nakatalagang mag-withdraw ng pondo.

Nauna ring tumestigo si Commission on Audit supervising auditor Xylene Mae Del Campo na hindi si Lachica ang designated special disbursing officer at hindi siya bonded officer para humawak ng confidential funds.

Tinanong naman ni Senator-Judge Erwin Tulfo si Ortonio kung bakit nasangkot ang security commander ng Bise Presidente sa intelligence-related activities gayong isang civilian agency ang OVP.

Tinanong din ni Erwin Tulfo kung batid ni Ortonio na may mga ahensiya ng gobyerno na may mandato para sa intelligence work at binanggit ang Notice of Disallowance ng COA sa bahagi ng 2022 confidential-fund expenditures ng OVP.

Nag-disallow ang COA ng P73.287 milyon mula sa P125-milyong confidential funds ng OVP para sa fourth quarter ng 2022 matapos kuwestiyunin ng mga auditor ang supporting documents at justification ng ilang gastusin.

Samantala, sinabi ni Ortonio na pangunahing administratibo ang kanyang papel sa confidential-fund transactions.

Kabilang sa kanyang mga tungkulin ang pagpirma sa vouchers at checks, paghahanda ng mga tugon sa COA at pagsusumite ng mga dokumento. Sinabi niyang hindi siya ang aktuwal na nag-disburse o nagtala ng confidential funds.

Nauna ring sinabi ni Ortonio na nagsumite siya sa COA ng protective intelligence operation reports nang hindi binabasa ang nilalaman ng mga ito dahil nakaselyo umano ang mga dokumentong ibinigay sa kanya.

Kinumpirma rin niya na humiling ang OVP ng P250 milyong confidential funds noong Agosto 22, 2022 bago nakumpleto ang physical and financial plan noong Setyembre 16.

Sinabi ni Ortonio na pinirmahan ni Duterte ang kahilingan at walang physical and financial plan na kalakip nang isumite ito.