Calendar
OVP humingi ng dagdag SDA para sa 473 VPSPG personnel; unang pondo sakop 95 lang
HUMINGI ang Office of the Vice President ng karagdagang pondo para sa Special Duty Allowance ng Vice Presidential Security and Protection Group matapos ipakita sa impeachment court na ang P5.58-milyong nakalaan noong 2022 ay para lamang sa maximum na 95 security personnel, habang 473 ang aktuwal na nasa roster ng grupo.
Lumabas ito sa mga dokumentong iniharap ng prosecution sa direct examination kay OVP Assistant Secretary at Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon sa isang dokumento, P5.58 milyon ang nakalaang SDA para sa fiscal year 2022 upang masakop ang maximum na 95 security personnel.
Sa isa pang dokumentong isinumite bilang suporta sa karagdagang pondo, nakasaad na may awtorisasyon para sa 478 VPSPG personnel — 364 mula sa Armed Forces of the Philippines at 114 mula sa Philippine National Police.
Gayunman, 473 ang aktuwal na bilang sa roster of troops.
Sa 473 personnel, 422 na ang nabayaran ng SDA hanggang Oktubre 10, 2022, ayon sa dokumento.
Humingi ang OVP ng recomputed amount na P8.213 milyon upang masakop ang natitirang SDA requirement ng VPSPG hanggang katapusan ng taon.
Kasama sa supporting documents ang statement of appropriation, allotment and balances; memorandum sa activation ng VPSPG; dokumentong nagbibigay-awtorisasyon sa bilang ng AFP at PNP personnel na itatalaga sa grupo; breakdown ng personnel ayon sa rank at computation ng SDA; at roster of troops.
Sa pamamagitan ni Ortonio, sinuri ng prosecution ang computations at mga dokumentong ginamit upang suportahan ang kahilingan ng OVP para sa karagdagang pondo.
Ipinakita ng mga rekord na ang unang P5.58-milyong SDA appropriation ay para sa maximum na 95 personnel, habang 473 ang aktuwal na nasa VPSPG roster na isinumite kasama ng request para sa dagdag na pondo.
Ang hinihinging karagdagang pondo ay para sa Special Duty Allowance ng AFP at PNP personnel na itinalaga sa VPSPG.
Si Ortonio ay idineklarang hostile witness ng impeachment court, kaya pinayagan ang prosecution na gumamit ng leading questions sa kanyang direct examination.
