Shabu Iniharap ni Negros Island Region police director P/BGen. Arnold Thomas Ibay ang suspek na natimbog dahil sa pag-iingat ng P2.2 milyon na halaga ng droga sa Dumaguete City.

P2.2M shabu nakuha sa pinaghihinalaang tulak

Jon-jon Reyes Nov 24, 2025
444 Views

TIMBOG ang 33-anyos na lalaki ng mga operatiba ng Dumaguete Police Drugs Enforcement Unit dahil sa pag-iingat ng mahigit P2.2 million na halaga ng shabu sa Purok Bougainvilla, Brgy. Candau-ay Dumaguete City.

Nakilala ang suspek na si alyas Mike, ayon kay PLt. Col. Don Richmond Conag (ACOP) ng Dumaguete police.

Ayon sa kanya, nahuli ang suspek bandang alas-7:30 ng gabi ng maglatag ng buy-bust sina PCapt. MC Millard Milan sa pakikipag-coordinate sa mga PDEA agents.

Nasabat mula sa suspek ang 5.50 na gramo ng shabu, 4 na piraso na iba’t-ibang laki ng droga na tumitimbang ng 321.71 gramo at isang belt bag at cellular phone.

May timbang na 327.21 na gramo ang mga nakuhang droga sa suspek na nagkakahalaga ng P2,225,028.

Pinuri at pinasalamatan ni Negros Island Region Police director P/Brig. General Arnold Thomas Ibay ang mga pulis dahil sa tagumpay na operasyon laban sa ilegal na droga.