KFC

P200K natangay sa fastfood sa Pampanga

Bernard Galang Dec 9, 2025
174 Views

CITY OF SAN FERNANDO, Pampanga–Pinasok ng mga kawatan ang Kentucky Fried Chicken (KFC) branch sa Capitol Boulevard, Barangay Sto. Niño ng siyudad na ito at mahigit P200,000 cash at cellphone ang natangay ng mga suspek.

Sa ulat kay Police Regional Office (PRO)-3 director P/Brig. Gen. Ponce Penones Jr., sinabi ni Pampanga police director Col. Eugene M. Marcelo na nadiskubre ng store manager na si Hevsie Martin David, 38, ang insidente pagdating niya sa trabaho bandang alas-7:02 ng umaga.

Ikinuwento ni David sa mga imbestigador na nadatnan niyang wasak ang vault ng tindahan at nawawala ang humigit-kumulang P193,338 na sales at change fund pati na ang cellphone na nagkakahalaga ng P7,000.

Batay sa CCTV footage, pinasok ng mga suspek ang establisimyento sa pamamagitan ng pagpwersang buksan ang glass door at sliding window.

Mula roon, nagtungo ang mga suspek sa pantry area kung saan naroon ang vault at ginamitan ng power tools upang sirain para makuha ang pera.