Yosi

P21M HALAGANG SMUGGLED YOSI NASABAT SA DAGAT NG SIPALAY; 7 TIMBOG

21 Views

Nasabat ng mga awtoridad ang tinatayang ₱21 milyong halaga ng puslit na sigarilyo matapos harangin ang isang motorized banca sa karagatan ng Sipalay City, Negros Occidental noong Agosto 15, 2026. Pitong katao ang naaresto sa operasyon.

Nasakote ang mga suspek habang sakay ng banca na may pangalang “AMOR PATI”, na may twin engines at may naburang engine number. Na-intercept ito sa isinagawang seaborne patrol gamit ang High Speed Tactical Watercraft 43.

Kabuuang 525 master cases o 26,250 reams ng hinihinalang smuggled cigarettes ang narekober. Binubuo ito ng 220 master cases na nagkakahalaga ng ₱8.8 milyon at 305 master cases na tinatayang ₱12.2 milyon. Nakumpiska rin ang mismong motorized banca.

Ang mga naaresto ay pawang kalalakihan na edad 18 hanggang 52 at karamihan ay residente ng Zamboanga City, kabilang ang 48-anyos na boat captain.

Nahaharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa Republic Act No. 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, RA 10863 o Customs Modernization and Tariff Act, at RA 10643 o Graphic Health Warnings Law. Dinala ang mga suspek at nakumpiskang ebidensya sa PNP Maritime Group 4th Special Operations Unit para sa kaukulang proseso, habang tutukuyin pa ng National Tobacco Administration ang pinal na halaga ng mga nasabat na sigarilyo.