Shabu

P81M shabu nasamsam sa bebot, 26, sa Pasay

Edd Reyes Jan 14, 2026
212 Views

MAHIGIT P81-milyong halaga ng shabu ang nasamsam ng pulisya sa 26-anyos na bebot Martes ng gabi sa Pasay City.

Alas-11:00 ng gabi nang aksiyunan ng mga tauhan ni Pasay City Police Chief P/Col. Joselito De Sesto ang itinawag ng isang impormante sa Special Operations Unit-3 ng Philippine Drug Enforcement Grout (PDEG) hinggil sa pagde-deliver umano ng isang bebot ng ilang bulto ng shabu sa Seaside Boulevard, Brgy. 76.

Pagdating sa sinasabing lugar ng mga operatiba ng MOA Police Sub-Station-10, namataan nila ang suspek na nakilala sa alyas “Farhanie” na tumutugma sa ibinigay na deskripsiyon ng impormante kaya’t kaagad nilang sinita at sinuri ang laman ng bitbit na eco-bag.

Sa ulat ni Col. De Sesto kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Randy Arceo, nakuha ang umabot sa 12 kilo ng shabu na nakalagay sa anim na malaking supot na plastic na bawa’t isa ay tumitimbang ng tig-dalawang kilo at katumbas ng kabuuang halagang P81.6 milyon.

Isusumite ng pulisya sa SPD Forensic Unit ang mga nakumpiskang shabu upang isailalim sa laboratory examination habang inihahanda na ang mga dokumento upang mai-prisinta ng pulisya ang suspek sa Pasay City Prosecutor’s Office para sa isasampang kaukulang kaso.