Calendar
P9.2M droga, 278 suspek sa droga nakorner sa CALABARZON
CAMP BRIGADIER GENERAL VICENTE LIM–Umabot sa P9,175,974 na halaga ng ilegal na droga ang nasamsam ng Police Regional Office CALABARZON, kasabay sa pagkakaaresto ng 278 drug suspek sa 220 buy-busts.
Ito ang nagawa ng mga pulis sa rehiyon mula Abril 13 hanggang April 19, ayon kay PNP 4A chief director P/BGen Hansel Marantan.
Ang mga accomplishment ay bunga ng tuluy-tuloy at mas pinaigting na anti-illegal drug operations at intelligence-driven manhunt operations na naglalayong sugpuin ang kriminalidad at hulihin ang mga indibidwal na patuloy na nagtatago sa batas, ayon sa PRO 4A.
Binigyang-diin ni P/BGen Marantan na ang mga numerong ito ay hindi lamang data kundi konkretong ebidensya ng dedikasyon at walang humpay na pagsisikap ng bawat kapulisan sa rehiyon.
Ang mga naarestong drug suspek ay nasa kustodiya ng kani-kanilang units na nagsagawa ng operasyon habang inihahanda ang mga kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng kaso sa korte.

