Live1

P9M iligal na petrolyo nasamsam; 2 timbog

112 Views

ARESTADO ang dalawang indibidwal habang aabot sa P9 milyong halaga ng iligal na produktong petrolyo o kilala bilang “paihi” ang nakumpiska ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Lipa City, Batangas noong Miyerkules.

Kinilala ang mga suspek na sina alyas Carlo at alyas Rea, mga residente ng Lipa City.

Nasakote ang dalawa sa aktong nagbebenta ng petrolyo sa kanilang mga gasolinahan ng walang Certificate of Compliance (COC) at License to Operate (LTO) mula sa Department of Energy.

Sa unang operasyon ng CIDG Batangas Provincial Field Unit bandang alas-3:30 ng hapon sa Brgy. San Sebastian, nasamsam ang tatlong underground fuel storage tanks na may lamang 14,210 litro ng petrolyo na nagkakahalaga ng P2 milyon.

Makalipas ang 20 minuto, sinalakay ang isa pang establisimyento sa Brgy. Sabang at narekober ang apat na underground storage tanks na naglalaman ng 55,424 litro ng petrolyo na tinatayang nasa P7 milyon.

Umabot sa 69,634 litro ang nakumpiskang petrolyo ng mga awtoridad.

Ang operasyon ay alinsunod sa pinaigting na kampanya ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. laban sa iligal na kalakalan ng langis.

Pinuri sina CIDG Regional Field Unit 4A chief PCol. Ganaban Ali at CIDG Batangas Provincial Officer PLt. Col. Bryan Dexter Andulan sa tagumpay na operasyon.

Mahaharap ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1865 (illegal trading of petroleum products).