Pacman

Pacquiao patuloy na Pambansang Kamao

346 Views

ISANG alamat si Manny Pacquio na nagbibigay ng karangalan para sa bansa.”

Ito ang mariin pagpapahayag ng paghanga at suporta mula kina Senator Joseph Victor JV Ejercito gayundin ni Senate President Pro Tempore Jose Jinggoy Ejercito Estrada kay dating Senador Manny Pacquiao matapos ang kanyang high-profile na pagbabalik sa boksing, na nagtapos sa isang majority draw laban sa WBC welterweight champion na si Mario Barrios nitong Sabado ng gabi sa Las Vegas.

Bagama’t nauwi sa draw—na naging dahilan upang mapanatili ni Barrios ang kanyang titulo—umani ng malawak na papuri ang naging performance ni Pacquiao. Dalawang hurado ang nagbigay ng iskor na 114–114, habang isang hurado ang pumabor kay Barrios sa iskor na 115–113. Kahit na hindi niya muling nakuha ang titulo, pinatunayan ng 46-taong gulang na si Pacquiao na kaya pa rin niyang makipagsabayan sa mga pinakamahuhusay sa larangan.

Inilarawan ni Estrada ang laban bilang isa na namang kabanata sa maalamat na karera ni Pacquiao. “At 46, former Senator Manny Pacquiao defied age and expectations. Although he fell short in reclaiming the WBC welterweight belt, he proved that he is indeed a legend—few professional boxers could match the level of skill and heart he displayed in the ring,” ani Estrada.

Dagdag pa niya, taglay pa rin ni Pacquiao ang kanyang natatanging istilo sa laban: “Sa totoo lang, nandun pa rin ang tatak Manny Pacquiao sa laban na ipinakita niya – ang tibay, bilis, at tapang.” Binigyang-diin ni Estrada ang karangalang muling naibigay ni Pacquiao sa sambayanang Pilipino: “Muli na naman niya ipinaalala kung gaano kasarap maging Filipino, ang matawag na kababayan ang isang boxing icon. Ipinagmamalaki ka namin Senator Manny. Mabuhay ka!”

Nagpahayag din ng suporta si Senador JV Ejercito ilang sandali matapos ang laban. “It’s a draw! Kahit anong mangyari, proud pa rin tayo sa lakas at tibay ng ating Pambansang Kamao!” ani Ejercito sa kanyang post, at nagpasalamat pa sa pamamagitan ng, “Maraming salamat at mabuhay ka, Manny! ”

Kahit hindi nagkaroon ng bagong kampeon, nagkaisa ang mga mambabatas at mga tagahanga sa pagbibigay-pugay sa patuloy na simbolo ni Pacquiao bilang “Pambansang Kamao,” habang ipinagdiriwang ang kanyang katapangan, pamana, at ang inspirasyong hatid niya sa mga Pilipino sa buong mundo.