Fuel

Pag-obliga sa mga kumpanya na ipaliwanag pagtaas ng presyo ng langis itinutulak

115 Views

ISINUSULONG ni Sen. Erwin Tulfo ang pag-amyenda sa Oil Deregulation Law upang obligahin ang mga kumpanya ng langis na magbigay ng mas malinaw na paliwanag kung paano itinatakda ang presyo ng petrolyo, matapos ang dalawang magkasunod na linggo ng malalaking taas-presyo ngayong Agosto.

Si Tulfo, chairman ng Senate Committee on Energy, ay co-author ng Senate Bill No. 641, na naglalayong magdagdag ng mga patakaran sa transparency sa ilalim ng Republic Act No. 8479 o Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998.

Layunin ng panukala na palakasin ang kapangyarihan ng Department of Energy (DOE) na humingi ng impormasyon mula sa mga kumpanya ng langis kaugnay ng pagpepresyo ng petroleum products.

“Sasabihin na lang ng mga kumpanya ng langis na ‘bukas, magtataas kami ng presyo nang limang piso bawat litro,’ at wala na tayong magagawa kundi magbayad,” pahayag ni Tulfo.

“Ang gagawin natin ay palalakasin natin ang kapangyarihan ng Department of Energy (DOE) sa mga kumpanyang ito. Wala nang biglaang pagtaas ng presyo—kailangan na nilang ipaliwanag kung bakit sila nagtataas ng presyo sa ganoong paraan,” dagdag niya.

Noong Agosto 25, tumaas ng P1.08 kada litro ang gasolina, P2.31 ang diesel at P0.95 ang kerosene, ayon sa DOE. Sinundan nito ang pagtaas noong Agosto 18 na P2.49 kada litro sa gasolina, P3.84 sa diesel at P5.01 sa kerosene.

Iniugnay ng DOE ang mga pagtaas sa galaw ng presyo sa pandaigdigang merkado at mga panganib sa suplay bunsod ng tensyon sa Middle East.

Sinabi ni Tulfo na matagal nang humihingi ng mas malinaw na paliwanag ang transport sector sa paggalaw ng presyo ng langis.

“Matagal na itong sinisigaw ng transport sector. Talagang umiiyak sila na parang walang habas yung pagtataas ng presyo ng krudo. Di naman ma-eksplika nang maayos bakit ganoon,” ani Tulfo.

Ang SB 641 ay inihain noong Hulyo 15, 2025 nina Sen. Sherwin Gatchalian at Tulfo at nananatiling nakabinbin sa Senate Committee on Energy.

Sa ilalim ng umiiral na Oil Deregulation Law, malayang nagtatakda ng presyo ang mga kumpanya batay sa galaw ng merkado habang minomonitor ng DOE ang industriya. Hindi naglalayong ibalik ng SB 641 ang direktang pagkontrol ng gobyerno sa presyo, kundi dagdagan ang impormasyong kailangang ibigay tungkol sa pagpepresyo.

Iniugnay din ni Tulfo ang kanyang panawagan para sa transparency sa usapin ng system loss sa sektor ng kuryente.

Ang system loss ay tumutukoy sa bahagi ng kuryenteng nawawala sa pagdadala at distribusyon ng elektrisidad. Ang mga singil dito ay saklaw ng mga batas at regulasyon sa industriya ng kuryente at hiwalay sa Oil Deregulation Law.

“Dahil sa mga lumang batas na ito, ang mga system loss ay ipinapasa sa mga mamimili. Alam na alam ng mga kumpanya ng kuryente na kailangan nilang i-upgrade ang kanilang sistema, ngunit pinabayaan lang nila itong masira dahil madali lang naman nilang maipapasa ang singil ng system loss sa publiko,” ayon kay Tulfo.

Ang pinakahuling opisyal na inflation rate ay 6.2 porsiyento noong Hulyo, bahagyang bumaba mula 6.4 porsiyento noong Hunyo ngunit nanatiling lampas sa 2 hanggang 4 porsiyentong target range ng pamahalaan.

Hindi pa inilalabas ang opisyal na inflation rate para sa Agosto. Nakatakdang ilabas ng Philippine Statistics Authority ang datos sa Setyembre 4.

Sinabi ni Tulfo na kahit ilang piso lamang ang maibawas sa gastusin sa enerhiya, makatutulong umano iyon sa mga konsumer.

“Ang mahalaga rito ay ang prinsipyo. Hindi pwede na nakatunganga lang tayo at hahayaang ang mga ordinaryong Pilipino ang magbayad sa mga serbisyong hindi naman nila pakikinabangan, o magbayad ng petrolyo nang hindi naiintindihan kung paano ito binuo,” ani Tulfo.