sara

‘PagbaBAGo’ ni VP Sara nakarating na sa CamSur

158 Views

NAKARATING na sa Camarines Sur ang educational campaign na ‘PagbaBAGo’ ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte.

Ang mga estudyante ng Lipata Elementary School sa Barangay Gogon, Caramoan ang pinakahuling nakatanggap ng ‘PagbaBAGo’ school kits na naglalaman ng mga gamit sa pag-aaral at dental kit.

Ayon kay Duterte target ng kanyang kampanya na matulungan ang mga magulang at estudyante na walang pambili ng gamit sa pag-aaral at maibahagi sa kanila ang kahalagahan ng edukasyon upang umunlad ang kanilang buhay.

“Kinakausap namin ang ating mga mag-aaral, ang ating mga anak, at kinakausap namin ang mga magulang para maintindihan nila kung ano ang kailangan nilang gawin para hindi umiikot nang umiikot o bumabalik nang bumabalik ‘yung problema ng kahirapan sa pamilya nila,” sabi ni Duterte.

Hinimok din ni Duterte ang mga magulang na mag-family planning upang matiyak na maibibigay ang mga pangangailangan ng mga anak.