Rice

Pagbabalik ng 35% taripa para sa mga magsasaka iminungkahi

243 Views

IKINATUWA ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan, chairman ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform, ang desisyon ng gobyerno na palawigin ang rice import ban hanggang sa katapusan ng taon. Aniya, ito ay isang napapanahong hakbang upang maprotektahan ang mga lokal na magsasaka sa gitna ng tumataas na presyo ng krudo at pabagu-bagong takbo ng pandaigdigang merkado.

“Bukod [sa…] pagsuporta sa mga lokal na magsasaka, pagpapatatag ng market, at pagtatasa ng epekto sa patakaran, napapanahon ang rice import ban extension,” ayon kay Pangilinan.

Ipinaliwanag niyang muling tumataas ang presyo ng krudo na siyang nagpapataas ng gastos sa produksyon at transportasyon sa agrikultura at pangingisda. “Muling tumataas ang mga presyo ng krudo, at pinatataas din nito ang gastos sa produksyon at transportasyon sa sakahan (at pangingisda). Kaya sa pagprotekta sa mga pakinabang ng mga magsasaka, kailangan ng real-time na mga desisyon na batay sa data.”

Binanggit din ng senador ang planong Command Center ng Department of Agriculture na inaasahang mag-o-operate ngayong buwan. Isa umano itong mahalagang hakbang upang mas maging mabilis at angkop ang pagtugon sa mga pagbabago sa sektor ng bigas.

Paliwanag niya, magbibigay-daan ito sa agarang pag-aayos ng floor price ng palay at procurement, mas maayos na pagpapatupad ng mga subsidiya, mas epektibong pagbuo ng buffer stock ng NFA, at mabilis na market intervention gamit ang datos at bukas na impormasyon.

Muling iginiit ni Pangilinan ang kanyang panawagan, sa pamamagitan ng Adopted Senate Resolution No. 29, na ibalik sa 35 porsyento ang taripa sa imported rice mula sa kasalukuyang 15 porsyento. Ayon sa kanya, pabor lamang sa mga importers at traders ang mababang taripa.

“Importers at traders lang ang nakikinabang sa mababang taripa,” sabi niya, at binanggit na dahil sa Executive Order No. 62 ay bumagsak ang farmgate price sa average na ₱7.66 kada kilo—malayo sa ₱13.51 na halaga ng produksyon.

“Mababawi ang hanggang ₱47 billion sa nawalang kita pag tinaas muli ang taripa hanggang 35 percent. Mapupunta ang pondo sa pagtulong sa ating mga magpapalay sa pamamagitan ng Rice Competitiveness Enhancement Fund,” dagdag pa niya.

Iginiit ng senador na ang pagbabalik ng taripa, kasabay ng Executive Orders 100 at 101—na nagpapalakas sa palay floor price at nagpapatupad ng Sagip Saka Act sa procurement ng gobyerno—ay bumubuo ng isang malinaw na polisiya para sa kapakanan ng mga magsasaka.

Aniya, layunin nitong “gantimpalaan nang patas ang mga Pilipinong magsasaka, panatilihing abot-kaya ang presyo ng bigas sa mga mamimili, at palakasin ang kakayahan ng bansa na makabangon sa mga krisis.”

“Sa pabago-bagong panahon, pinakamahusay na depensa ang self-sufficiency, lalong-lalo na sa pagkain. Dapat kumilos bilang isa ang gobyerno, magsasaka, mamimili, at pribadong sektor para protektahan ang mga nagpapakain sa atin, at matiyak na kumakain ng sapat ang bawat Pilipino,” wika pa niya.