Korapsyon

Kalayaan, kapangyarihan ng ICI vs korapsyon isinusulong na tiyakin

241 Views

BAGAMA’T suportado ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pondohan ang Independent Commission for Infrastructure (ICI), iginiit niyang kailangan pa rin ng mas matibay na batas upang matiyak ang kalayaan at kapangyarihan ng komisyon laban sa korapsyon.

“We have to find a way na mas mabilis ang imbestigasyon, mas mabilis y’ung pagkaso, at hindi tayo ma-distract… Ang problema sa ICI, sila mismo ang nagsabi na ‘kulang kami sa power.’ Pati sila napagbibintangan na sa direksyon,” ayon kay Cayetano.

Inilabas niya ang pahayag kasunod ng pangako ni Marcos na “committed” ang administrasyon sa pagpopondo sa ICI, kahit hindi pa aprubado ng Department of Budget and Management (DBM) ang kanilang budget.

Bagaman mahalaga ang pondo, binigyang-diin ni Cayetano na hindi ito sapat. Ayon sa kanya, dapat maipasa ang panukalang batas ni Senate President Vicente Sotto III na magtatatag sa ICI bilang isang permanenteng, non-partisan na anti-corruption body na may mas malawak na kapangyarihan.

“Kailangan focused tayo. The law must make it faster, focused, and truly independent,” ani Cayetano.

Iminungkahi rin niya na palawakin ang representasyon sa komisyon sa pamamagitan ng pagsama ng mga kinatawan mula sa oposisyon at faith-based groups, gaya ng sa Estados Unidos na mayroong independent at special counsels.

“Sa US, kapag independent or special counsel ka, ang pera mo at gagawin mo ay independent ka talaga,” dagdag niya.

Nanawagan din si Cayetano na bigyan ng contempt power ang ICI upang mapilitan ang mga sangkot na makipagtulungan sa imbestigasyon. “Isipin mo kung… may hearing pero walang contempt power. E ’di walang pumansin,” aniya.

Ang ICI ay binuo upang imbestigahan ang mga iregularidad sa mga proyektong pang-imprastruktura ng gobyerno, subalit bumabagal ang pagkilos nito dahil sa kakulangan ng pondo at legal na kapangyarihan.