Pic3

Pagbabawal sa menor de edad sa Meta, Roblox, aprub sa Senado

98 Views

IPINAGBABAWAL sa mga wala pang 18 taong gulang ang paggawa at paggamit ng account sa mga high-risk digital service sa ilalim ng panukalang ipinasa ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa nitong Huwebes.

Kabilang sa mga ito ang Meta Platforms, Roblox at Gorebox, ayon sa Senado.

Sa botong 16-1 at walang abstention, inaprubahan ng Senado noong Oktubre 8 ang Senate Bill No. 2424 o ang Safe Media Access and Responsible Technology for Kids in Digital Spaces (SMART KIDS) Act na inisponsor ni Senador Robinhood Padilla.

Oobligahin ng panukala ang mga high-risk digital service na i-suspend, i-restrict, i-disable o tanggalin ang anumang account na makatwirang matukoy na pagmamay-ari, pinatatakbo o ginagamit ng menor de edad.

Kailangan ding tiyakin ng mga platform na walang sinumang menor de edad ang makapapasok o makagagawa ng account. Dapat din silang magpatupad ng age-assurance measures para malaman kung pasok sa minimum na edad ang isang user.

Maaaring pagmumultahin ng P5 milyon hanggang P20 milyon kada paglabag ang mga high-risk digital service na mapatutunayang lumabag. Dagdag pa rito ang P100,000 na multa sa bawat araw na hindi sila sumusunod.

Maaari ring pagmultahin ng hanggang P50,000 ang mga magulang o legal guardian na sadyang tutulong sa bata na malusutan ang age-assurance mechanism. Maaari rin silang patawan ng community service at obligahing dumalo sa mga programa sa digital parenting at child safety.

Hindi saklaw ng mga probisyon ang email, private messaging, mga online game na hindi pangunahing ginagamit sa social networking, educational platform, news service at professional collaboration service.

Kapag naging batas, ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ang mangangasiwa sa pagpapatupad nito.

Aatasan din ang DICT na magtayo ng platform kung saan malayang maisusumbong ng publiko ang mga posibleng paglabag. Agad namang ire-refer sa kinauukulang digital service ang mga ulat ng mapaminsalang content na nangangailangan ng agarang aksyon.

Layon ng panukala na magtakda ng balangkas sa pagtukoy ng mga digital service na maaaring maglagay sa panganib sa mga bata. Oobligahin din nito ang mga magulang, guardian at digital service provider na ilayo ang mga bata sa digital risks at protektahan sila laban sa online harm.

Nais din ng panukala na mabawasan ang pagkagambala ng mga bata mula sa mobile devices at electronic gadgets, bilang suporta sa kanilang buong pag-unlad at sa ligtas na kapaligiran sa pag-aaral.

Mas mataas ang age limit ng inaprubahang bersyon kumpara sa mga naunang panukala sa Senado. Mga wala pang 16 anyos umano ang nais ipagbawal sa social media ng Senate Bill No. 2066 na inihain noong Abril ni Sherwin Gatchalian, na ngayo’y Senate President. Wala pang 15 anyos naman umano ang itinakda ng naunang bersyon ng SMART KIDS Act, ang Senate Bill No. 2071.

Kailangan pang ipasa ng Kamara ang sarili nitong bersyon at pagkasunduin ito sa bicameral conference committee bago maipadala sa Pangulo para lagdaan.