Calendar
Ebidensya vs VP Sara batayan kung dapat manatili s’ya sa pwesto–Barbers
BINIGYANG-DIIN ni House prosecution panel adviser Robert Ace Barbers na ang mga ebidensyang iniharap laban kay Vice President Sara Duterte sa impeachment trial ang dapat maging batayan ng pagpapasya sa kanyang pananatili sa puwesto.
Sa loob ng 34 na araw ng paglilitis ay sunod-sunod na dokumento, financial records, testimonya at iba pang ebidensya ang inilahad ng House prosecution panel sa impeachment court, ayon sa dating kongresista.
Ayon kay Barbers, hindi na dapat basta ituring na mga pag-atakeng pampulitika lamang ang mga alegasyon laban sa Bise Presidente, dahil mayroong mga ebidensyang inihain para suriin at timbangin ng mga senador-hukom.
“Hindi ito mga paratang na basta ibinato lamang. Mga ebidensya ang inilatag sa impeachment court. Nasa harap na ng mga senador-hukom ang mga ito para suriin, timbangin at pagpasiyahan,” pahayag ni Barbers.
Ayon sa kaniya, nasa impeachment court na ang responsibilidad na suriin ang mga iniharap na ebidensya at tukuyin kung ano ang ipinapakita ng mga ito.
Pagbibigay-diin pa nito na ang mga dokumento at financial records ang dapat magsilbing batayan sa pagtalakay sa mga alegasyon, sa halip na umasa lamang sa mga pahayag o interpretasyon ng magkabilang panig.
“Mahirap ipagtanggol ang mga ebidensya dahil mismong mga dokumento at records ang nagsasalita. Hindi na kailangan ng dagdag na interpretasyon. Ang ebidensya mismo ang magsasalita para sa sarili nito,” wika pa ni Barbers.
Ang 34 na araw ng paglilitis ay nagbigay ng pagkakataon sa Impeachment Court na makita at masuri ang kabuuang mga ebidensyang iniharap ng prosecution panel.
Sabi pa ng dating kongresista, mahalagang maipaliwanag ng depensa ang mga dokumento at testimonya upang masagot ang mga tanong na ibinangon sa paglilitis.
“Kapag malinaw ang ebidensya, hindi ito matatakpan ng diversion, political rhetoric o personal na pag-atake. Ang katotohanan ay hindi nababago ng ingay. Ang facts ay mananatiling facts,” ani Barbers.

