Calendar
Larawan: ICC-CPI
ICC: Duterte may kakayahang humarap sa paglilits
IDINEKLARA ng International Criminal Court (ICC) na may kakayahan si dating Pangulong Rodrigo Duterte na humarap sa paglilitis kaugnay ng mga kasong crimes against humanity, ayon sa desisyong inilabas sa publiko noong Oktubre 8, 2026.
Sa desisyong may petsang Setyembre 28, sinabi ng Trial Chamber III na kaya ni Duterte na unawain ang mga kasong isinampa laban sa kanya, sundan ang mga paglilitis, unawain ang mga ebidensya at makipagtulungan sa kanyang mga abogado para sa depensa.
Nakabatay ang desisyon sa pagsusuri ng isang independent Panel of Experts, na nagkakaisang nagsabing may kakayahan si Duterte na maunawaan ang mga kaso at ang layunin at posibleng kahihinatnan ng paglilitis.
Naglatag din ang mga hukom ng mga hakbang upang matiyak ang paglahok ni Duterte sa mga pagdinig. Ayon sa ICC, susuriin ang haba ng mga sesyon kada pagdinig, depende sa kalagayan ng mga testigo at ng akusado.
Inatasan din ng Chamber ang Registry na patuloy na subaybayan ang kalusugan ni Duterte sa pamamagitan ng medical officer ng detention center at agad ipaalam sa mga hukom ang anumang pagbabago sa kanyang kondisyong medikal.
Nakatakdang magsimula ang paglilitis sa Nobyembre 30, 2026. Noong Abril 23, 2026, kinumpirma ng Pre-Trial Chamber I ang lahat ng kasong binubuo ng tatlong bilang ng crimes against humanity na inihain ng prosekusyon laban kay Duterte.
Ang desisyon na fit siyang humarap sa paglilitis ay hindi hatol sa kanyang pagkakasala o kawalang-sala.

