Kuryente

Line workers may P300K insurance na sagot ng employer sa panukalang aprub ng Senado

101 Views

OOBLIGAHIN ang mga employer na bigyan ng life, accident at disability insurance na hindi bababa sa P300,000 ang kanilang mga line worker sa kuryente at telekomunikasyon sa ilalim ng panukalang ipinasa ng Senado sa huling pagbasa nitong Huwebes, Oktubre 8.

Ito ang Senate Bill No. 2485 o ang Line Workers Insurance Benefit Act na inisponsor ni Senador Erwin Tulfo.

Sa ilalim ng panukala, employer ang sasagot sa premium ng insurance. Hindi rin maaaring bawasan ang mga benepisyong natatanggap na ng mga manggagawa.

Pagmumultahin ng P300,000 hanggang P500,000 ang employer na hindi magbibigay ng mandatory insurance coverage.

Saklaw ng panukala ang mga direktang nagtatrabaho sa pagtatayo, pagkakabit, pag-inspeksyon, maintenance, rehabilitasyon at pagkukumpuni ng mga linya ng kuryente, gayundin ng mga linya at pasilidad ng telekomunikasyon.

Kasama rito ang mga nagtatrabaho sa itaas man o ilalim ng lupa, basta’t nakalantad sila sa panganib ng kuryente o iba pang kaugnay na occupational hazard.

Kasabay nitong ipinasa ang Senate Bill No. 2484, na nagdedeklara sa bawat unang Lunes ng Agosto bilang National Line Workers Appreciation Day.

Sa ilalim nito, pangungunahan ng National Electrification Administration (NEA), katuwang ang Department of Energy (DOE) at iba pang stakeholder sa industriya ng kuryente, ang mga programang kikilala sa ambag ng mga line worker.

Kabilang dito ang mga programa para sa kanilang kaligtasan at kapakanan, pagpapaunlad ng kanilang kasanayan, at pagpapalawak ng kaalaman ng publiko sa kanilang papel sa industriya ng kuryente.

Kailangan pang aprubahan ng Kamara ang mga panukala at lagdaan ng Pangulo bago maging ganap na batas.