Calendar
Paggamit ng mga naisantabing testigo ng Ombudsman inireklamo ni ex-Speaker Romualdez
KINUWESTIYON ni dating House Speaker at Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez ang umano’y paggamit ng Office of the Ombudsman sa mga testigong na nauna nang naisantabi at ngayon ay nahaharap na sa mga kasong cyberlibel at perjury.
Sinabi ni Romualdez na ang hinihingi lamang niya ay pantay na pagtrato sa ilalim ng batas habang nagpapatuloy ang paunang imbestigasyon kaugnay ng kontrobersiya sa mga flood control project.
“Pantay na hustisya lamang ang hinihingi ko,” sabi ni Romualdez.
Iginiit ng kongresista na ang mga testigong ginagamit umano laban sa kanya ay pinabulaanan na ng mismong Office of the Ombudsman at ng Department of Justice (DOJ), ngunit patuloy pa ring ginagamit sa imbestigasyon kahit nahaharap na sa mga reklamong cyberlibel at perjury.
“Ngunit ginagamit ng Ombudsman ang mga testigong siya rin mismo at ngayon ay ang DOJ ang hayagang nagdiskredito—at nahaharap na ngayon sa mga kasong cyberlibel at perjury,” dagdag pa ni Romualdez.
Kinuwestiyon din ni Romualdez ang pagiging patas ng isinasagawang imbestigasyon.
Ayon sa dating Speaker, ang mga naturang testigo ay nauna nang ibinasura at kalaunan ay sinampahan pa ng kaso, ngunit ginagamit pa rin umano upang idiin siya.
“Mga testigong ibinasura na, kinasuhan pa ng cyberlibel at perjury gagamitin pa rin para lang ituro ako at ako lamang,” sabi niya.
Sinabi ni Romualdez na hindi siya uurong sa kinahaharap na proseso.
“Hindi ako uurong sa laban na ito. Hindi ako matitinag. Gawin natin ang tama,” aniya.
Samantala, kinumpirma ng Department of Justice na nakapagsampa na ito ng mga kasong perjury at cyberlibel laban sa 18 dating bodyguard ng dating kongresista na si Zaldy Co, kasama ang kanilang abogado.
Ayon kay DOJ spokesperson Polo Martinez, ang mga Information ay inihain sa mga Regional Trial Court sa Caloocan, Las Piñas, Muntinlupa at San Juan.
Nag-ugat ang mga kaso sa umano’y paglagda at pagpapakalat ng isang magkasanib na sinumpaang salaysay, mga press conference, panayam, social media posts, at iba pang online publication.
Ang tinaguriang “18 maleta boys” ay nahaharap sa 10 magkakahiwalay na Information, kabilang ang anim na bilang ng cyberlibel sa ilalim ng Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 at apat na bilang ng perjury.
Kabilang din sa mga kinasuhan bilang co-accused ang abogado na si Levito Baligod.
