Impeachment

Paghahanda ng Senado para sa impeachment trial vs VP Sara tuloy

337 Views

KINUMPIRMA ni Senate President Francis G. Escudero na nagpapatuloy ang mga paghahanda para sa impeachment trial laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte, na pansamantalang itinakda sa Agosto 4 ang simula.

Iginiit niyang ang proseso ay susunod sa umiiral na mga alituntunin at legal na hakbang, anuman ang panawagan ng publiko.

“Tutuloy at mangyayari yan ayon sa batas,” pahayag ni Escudero nang tanungin hinggil sa katiyakan ng pagsasagawa ng impeachment trial.

Ipinunto niya na hindi tungkulin ng Senado ang magmadali batay sa panlabas na pressure. “Hindi namin trabaho na madaliin ito. Hindi porke’t nagmamadali sila ay kailangan na rin namin magmadali. Gagawin namin ito sang-ayon sa proseso.”

Ipinaliwanag din ni Escudero na wala pang naipapadalang opisyal na abiso sa mga sangkot dahil kailangan munang magkasundo ang ika-20 Kongreso sa mga usaping procedural.

“Hindi. Kasi kailangan pagkasunduan pa rin ‘yan ng bagong Kongreso. The 19th Congress cannot bind the 20th Congress. The 20th Congress will have to make decisions all over again – not only the Senate, including the House.”

Hiningan din siya ng reaksiyon sa mga panawagan ng kanyang inhibition, ngunit ipinahayag niya nang malinaw na ang pagiging patas ay hindi nangangahulugang pagkampi sa isang panig.

“ Being fair means applying the rule evenly to everyone regardless who it is,” aniya.

Tinalakay rin ni Escudero ang ilang desisyon ng Korte Suprema at binigyang-diin na ilang posisyon ng Senado ay sinang-ayunan sa mga kamakailang ruling. “Out of the eleven questions of the Supreme Court, five of those were questions of the Senate itself to the House of Representatives.”

Ipinunto rin niya na may ilang mambabatas na may planong kuwestyunin ang hurisdiksyon ng kasalukuyang Kongreso sa impeachment trial.

“May mga miyembro na nagsabi na ire-raise nila ‘yan… Para sa akin, tatawid ‘yan – nasabi ko na ‘yan noon. Pero posisyon ko ‘yon. Iba ang posisyon marahil o magiging posisyon ng mayoriya ng Senado.”

Tumanggi si Escudero na magbigay ng opinyon sa kung ano ang maaaring mangyari kung ibasura ng mayoriya ang kaso dahil sa kakulangan ng hurisdiksyon. “Ayaw kong pangunahan ‘yung Senado. Ayaw ko rin pangunahan ang Korte Suprema.This is all first time for all of us.”

Binigyang-linaw rin niya na bagaman ang Senado at ang impeachment court ay iisa sa Konstitusyon, hindi pa kailangang pormal na mag-convene upang talakayin ang mga alituntunin at iskedyul ng paglilitis. Umaasa siya na susunod ang House of Representatives sa mga kautusan ng Senado bago sumapit ang Agosto 4.

“Hopefully, that one week period yung Kamara will be given time to comply with the orders of the Senate impeachment court dahil ‘yung pangalawang order… dapat ang gumawa noon ay ang 20th House of Representatives.”