Calendar
Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez
Relief ops tuloy kahit Kongreso walang session — Romualdez
BILANG tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., agad na ipinag-utos ni Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez, Speaker ng 19th Congress, at ng Tingog Party-list ang pagsasagawa ng disaster monitoring at relief operations ng kanilang tanggapan matapos ang pananalasa ng Bagyong Crising na sinabayan ng habagat.
Kahit hindi pa pormal na nagbubukas ang 20th Congress, sinabi ni Romualdez na nakikipag-ugnayan na ang kanyang opisina at ang Tingog Party-list sa mga lokal na lider, ahensya ng gobyerno at pribadong grupo para masigurong agad na makararating ang tulong sa mga lugar na labis na nasalanta.
“Hindi tayo maaaring manahimik habang lumulubog ang mga komunidad at nangangamba ang ating mga kababayan. Public service doesn’t stop when Congress is out of session. Ngayon mismo, dapat tayong kumilos,” ani Romualdez.
“I’ve been through this myself—my home province of Leyte has seen the worst of disasters. Kaya ramdam ko ang bigat na dinaranas ng mga pamilya ngayon. Sa oras ng sakuna, hindi dapat nag-iisa ang sinoman,” dagdag pa ng mambabatas.
“My staff and Tingog Party-list are reaching out to House Members whose districts are overwhelmed,” ani Romualdez.
Muling binuksan ng kanyang opisina at ng Tingog Party-list ang Relief Coordination Desk na dati na ring naging daluyan ng tulong sa maraming mambabatas noong kasagsagan ng mga nakaraang bagyo at ng COVID-19 pandemic.
Ang desk na ito ang magsisilbing one-stop hub para sa mga agarang pangangailangan at koordinasyon sa mga apektadong lugar.
Nanawagan din si Romualdez sa mga kapuwa Pilipino na tumulong sa abot ng kanilang makakaya.
“Kahit hindi ka kongresista, kahit hindi ka opisyal—lahat tayo may papel sa pagtulong, kasama ang pagdarasal para sa kaligtasan ng mga nasalanta,” giit ni Romualdez.

