Liza1

FL Liza Marcos nag-repatriate ng distressed OFWs sa makasaysayang pagbisita sa Saudi Arabia

331 Views

RIYADH, Saudi Arabia – Personal na binisita ni First Lady Liza Araneta-Marcos ang Bahay Kalinga sa Riyadh na nagsisilbing pansamantalang tirahan ng mga Pilipino, dala ang mensahe ng pag-asa at pakikiramay sa mga overseas Filipino worker (OFW), mga ina at mga bata na nahaharap sa matitinding pagsubok.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na bumisita ang isang First Lady sa pansamantalang silungan na itinayo ng pamahalaan para sa mga OFW na naghihintay ng repatriation mula sa Saudi Arabia.

Nakipag-ugnayan ng personal ang Unang Ginang sa mga OFW, taimtim na nakinig sa kanilang mga kuwento ng hirap.

Ang pinakamasigabong bahagi ng kanyang pagbisita ay ang masayang anunsyo na tiyak na ang kanilang pagbabalik sa Pilipinas. Napuno ng sigawan, luha at mahigpit na yakapan ang silungan—isang tagpo na naghahatid ng ginhawa at panibagong pag-asa.

Alinsunod sa direktang utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., agad na kumilos ang Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang maisakatuparan ang ligtas na repatriation ng 43 distressed OFWs at walong menor de edad na kasama nila, kabilang ang mga may malubhang kondisyong medikal.

Sa kanilang pagdating sa Maynila, tumanggap ang bawat repatriated OFW ng tulong pinansyal at reintegration assistance na kinabibilangan ng P50,000 mula sa DMW; P10,000 mula sa OWWA, kalakip ng “Balik Pinas, Balik Hanapbuhay” na tulong; P10,000 mula sa DSWD; at P60,000 mula sa Office of the President.

Nagbigay rin ang Unang Ginang ng travel luggage at iba pang pangunahing gamit sa bawat repatriate.

Dagdag pa rito, naghatid ang OWWA ng tulong sa transportasyon at pansamantalang tirahan para sa mga OFW na pauwi sa Visayas at Mindanao.

Ibinahagi ni Ana M. Dimalen, isa sa mga repatriates, ang kanyang damdamin pagdating sa Maynila: “The First Lady visited the shelter. We were so happy to see her in person, and we are grateful to PBBM for helping us return to the Philippines. Thank you very much.”

Bukod sa pagbisita sa Bahay Kalinga, lumahok din si Unang Ginang Araneta-Marcos sa Bagong Bayani ng Mundo Serbisyo Caravan, kung saan nakipagkita siya sa mga OFW na nakinabang sa mga pangunahing serbisyo ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Ito ay isang makasaysayang hakbang, dahil unang beses na nagsama-sama ang malawak na hanay ng mga ahensya—kabilang ang DMW, OWWA, PhilHealth, SSS, Pag-IBIG, DTI, Landbank, DSWD, PAO at PSA—upang magbigay ng agarang serbisyo sa mga OFW sa Kaharian ng Saudi Arabia.

Ipinamalas ng inisyatibong ito ang matibay na paninindigan ng administrasyon sa paghahatid ng serbisyo ng pamahalaan kahit sa malalayong panig ng mundo.

Ang pagbisita ng Unang Ginang ay nagtapos sa Serbisyong May Saya, Hatid ng OWWA, isang gabi ng kasiyahan na dinaluhan ng libu-libong OFWs para sa mga pagtatanghal, talent showcases at mga nakaaantig na kuwento.

Ito ay isang makulay na pagdiriwang ng pagkakaisa, katatagan at walang-kupas na diwa ng manggagawang Pilipino sa ibayong dagat.

Binigyang-diin ni OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan ang kahalagahan ng presensya ng Unang Ginang: “Our First Lady’s visit is like a mother’s embrace—a reminder to our OFWs that they are not alone. As the President directed, to make government services felt, we will continue to serve with joy and a true heart.”

Sa pamamagitan ng makasaysayang pagbisitang ito, muling pinatunayan ng pamahalaan ng Pilipinas ang matatag na pangako nitong maghatid ng tunay na serbisyo at makabuluhang pagkilos para sa bawat Pilipino saanmang panig ng mundo.