Lending Source: PNP file photo

Win: Online gamblers nalulubog sa utang dahil sa online lending apps

357 Views

BINATIKOS ni Senador Sherwin Gatchalian ang patuloy na paglaganap ng mga online lending applications (OLAs), na aniya’y lalong nagpapalala sa krisis ng online gambling sa Pilipinas.

Sa kanyang pahayag, ipinunto ng senador na ang mga OLA ay nagsisilbing gatong sa apoy ng pagkagumon sa sugal. Sa halip na makatulong, aniya, ang mga app na ito ay tila nagsasamantala sa kahinaan ng mga Pilipinong nalulubog sa bisyo ng pagsusugal.

“Nalulong na sa online gambling, pinagsamantalahan pa ng online lending apps. Kailan kaya titigil ang sistemang lumulunod sa mahihirap nating kababayan?” tanong ni Gatchalian.

Batay sa mga kwento ng netizens at personal na salaysay sa social media, maraming indibidwal ang napipilitang umutang sa mga OLA upang ipagpatuloy ang pagsusugal—na kadalasan ay nauuwi sa mas malalang pagkakautang. Sa halip na makabangon, lalo silang lumulubog dahil sa labis na interes at mapanlinlang na tuntunin ng mga pautang.

Dagdag pa ng senador, ang mga hindi makataong paraan ng paniningil ng mga OLA ay may masamang epekto rin sa kalusugang mental ng mga biktima. “Ang hindi makatarungan at mapanirang pamamaraan ng paniningil ng mga OLA ay lalo pang nagpapabigat sa emosyonal at mental na pasanin ng mga Pilipinong nahihirapan na sa kumunoy ng online gambling,” saad niya.

Bilang tugon, naghain ng resolusyon si Gatchalian upang siyasatin sa Senado ang malawakang operasyon ng mga OLA at ang umano’y mga mapang-abusong gawi ng mga ito. Layunin ng panukala na suriin kung paano nakadaragdag ang mga aplikasyong ito sa lumalalang kahirapan at pagkawasak ng buhay ng mga mamamayang biktima ng sugal.

Sa gitna ng mabilis na pag-usbong ng teknolohiya at kakulangan ng mahigpit na regulasyon, nanawagan ang senador na tugunan agad ang problemang ito upang maprotektahan ang mga mahihinang sektor ng lipunan.