Cayetano

Paghost ng PH ng FIVB pinuri na ’10 out of 10′

157 Views

PINURI ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang matagumpay na pagho-host ng Pilipinas sa 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championship na tinawag niyang “10 out of 10,” patunay umano sa mainit na pagtanggap at world-class na hospitality ng mga Pilipino.

Ayon kay Cayetano, nagbigay ng perpektong marka si FIVB president Fabio Azevedo sa pagtatapos ng torneo noong Setyembre 28, indikasyon na kaya ng bansa ang magdaos ng malalaking pandaigdigang kompetisyon. “What makes us a perfect venue for hosting multiple teams and multiple sports ay ang hospitality ng Pilipino. Iba talaga,” ani Cayetano.

Dagdag niya, nakamit na rin ng Pilipinas ang karapatang mag-host ng 2029 Women’s World Championship sa Mall of Asia Arena. Ito ang unang pagkakataon na idaraos ang torneo sa bansa at pangalawang beses lamang sa Southeast Asia sa huling tatlong edisyon. Gayunman, iginiit ni Cayetano na hindi tatagal ang ganitong tagumpay kung walang malinaw at pangmatagalang pambansang plano.

Muling isinulong ni Cayetano ang pagbuo ng Department of Sports bilang pangunahing ahensya na mangunguna sa pagpapaigting ng grassroots programs, paghubog ng atleta, at sports tourism. “Right now, we have the Philippine Sports Commission. But as a commission, it doesn’t receive a regular budget every year. We really need a dedicated department that will provide focused leadership and a clear roadmap toward the sports industry we envision for the Philippines,” wika niya.

Noong Hulyo, inihain ni Cayetano ang Department of Sports Act of 2025 na magtatatag ng National Sports Development Agenda na tututok sa grassroots participation, mas mahusay na coaching, makabagong training facilities, at pakikipagtulungan sa pribadong sektor.

Binigyang-diin din niya ang budget briefing ng Senado noong Setyembre 25 kung saan sinabi ng Department of Tourism na malaking oportunidad ang sports tourism bilang economic driver, subalit limitado ang pondo para sa promosyon. “Hundreds of billions of dollars ang sports tourism sa buong mundo. So, in search of our identity economically—call centers, manufacturing, agriculture—we want the Philippines to be a powerhouse in sports tourism,” aniya.