Atty. Fajarado

Pagiging ‘hao shao’ ng ‘Maleta’ boys tumibay–Atty. Fajardo

Mar Rodriguez Aug 20, 2026
105 Views

LALONG lumabas ang pagiging “hao shao” ng mga “Maleta Boys” dahil mas nawalan sila ng kredibilidad matapos silang itanggi ng ilang dating tauhan ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co na sinasabing sangkot sa umano’y paghahatid ng pera, ayon sa abogado at spokesperson ni dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na si Atty. Ade Fajardo.

Ayon kay Fajardo, ang sunod-sunod na pagbabago at pagkakasalungatan sa mga pahayag ng mga testigo ay nagpapahirap umanong ituring na mapagkakatiwalaan ang mga testimonya.

“It’s no longer credible. Wala nang credible testimony,” ani Fajardo.

Kung paulit-ulit ng nagbabago ang kuwento ng isang testigo, dapat umanong kuwestiyunin ang kredibilidad nito. “Kung mga 10 beses ka na nag-somersault, e di ano pang credible doon?” pahayag pa ni Fajardo.

Ang pahayag ni Fajardo ay kasunod ng isinumiteng mga affidavit ng 25 dating security, administrative at close-in aides na naging tauhan ni Co.

Ayon sa kampo ni Romualdez, isasama ang mga affidavit sa supplemental counter-affidavit na ihahain sa Office of the Ombudsman.

Sinabi ni Fajardo na ilan sa 25 ay sinasabing nabanggit sa mga naunang testimonya bilang mga driver o kasama umano sa mga biyahe kung saan sinasabing may paghahatid ng pera.

Ngunit mariin umano nilang itinanggi na naganap ang mga naturang insidente.“Precisely. Hindi sila actually involved kasi walang ganoong deliveries,” sabi pa ni Fajardo.

Hindi maaaring magkuwento ang mga testigo tungkol sa isang pangyayaring hindi naman nila nasaksihan o nilahukan.

Ilan sa mga lumagda sa affidavit ang nagsabing nilapitan sila at inalok umano ng pera upang sumali sa orihinal na grupo ng mga testigo.

“Many of them, I think a substantial number, said that they were expressly, explicitly offered financial reward to join the quote-unquote ‘Brave,’” ani Fajardo.

Hindi muna ibinunyag ni Fajardo kung sino ang umano’y nag-alok ng pera, at sinabing lalabas ang mga pangalan sa mga affidavit kapag pormal nang naisumite ang mga ito.

Sinabi rin nitong ang 25 affiant ay may sarili nilang abogado at nakapagsumite na umano ng mga komunikasyon sa National Bureau of Investigation, Department of Justice at Ombudsman.

Nilinaw naman ni Fajardo na natanggap ng kampo ni Romualdez ang mga kopya ng affidavit sa pamamagitan ng kanilang mga abogado, at hindi dahil sila mismo ang naghahanap o direktang nanghikayat sa mga testigo.