Calendar
Pagkakakilanlan ng mga tumanggap ng OVP confi funds kailangan halukayin–Chua
IGINIGIIT ni House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua na kailangang halukaying mabuti upang malaman kung nasaan ang talaan ng tunay na pagkakakilanlan ng mga taong sinasabing tumanggap ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).
Ayon kay Chua, kung mga alyas o kathang-isip na pangalan lamang umano ang ginamit sa mga resibo upang protektahan ang identidad ng mga informant, dapat ay may hiwalay na rekord ang OVP na naglalaman ng kanilang tunay na pangalan.
Kabilang sa mga pangalang lumitaw sa testimonya ng dating OVP Special Disbursing Officer na si Gina Acosta sina Antonio Pagong, Timon Andrew Pusa, Don Piang, May Pamana, Shane Ngitngit at Xuniso P. Belat.
“Maliwanag sa sinabi ni Gina Acosta na wala nang ibang listahan na nakalagay sa vault. Kung ito ay fictitious lamang, ano ang purpose? Bakit pa ilalagay ito sa vault?” pahayag ni Chua.
Ipinaliwanag ni Chua na ang layunin ng confidentiality rules ay protektahan ang sensitibong impormasyon at identidad ng mga lehitimong informant laban sa pampublikong pagbubunyag at hindi tuluyang alisin ang kanilang tunay na pagkakakilanlan sa mga rekord ng pamahalaan.
Dapat magkaroon ng restricted o confidential na rekord na maaaring suriin ng mga state auditor upang matukoy kung sino talaga ang tumanggap ng pondo ng bayan, nang hindi inilalantad sa publiko ang kanilang mga identidad.
Samantala, iniugnay ni private prosecutor at House prosecution legal spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr. ang isyu ng tunay na identidad sa uri ng mga dokumentong isinumite ng OVP bilang suporta sa paggamit ng confidential funds.
Ayon sa prosecution, batay sa testimonya ni Acosta, acknowledgment receipts ang ginamit sa mga transaksyon, kabilang ang ilang gastusing maaari umanong magkaroon ng opisyal na resibo.
Nauna nang nagharap ang prosecution ng mga tauhan ng Commission on Audit (COA) na tumatalakay sa mga kakulangan sa supporting documents para sa confidential fund expenditures.
Iginiit ni Chua na naging mahalaga ang usapin ng dokumentasyon matapos kuwestiyunin ang mga pangalang nakalagay sa acknowledgment receipts.

