Calendar
PH Consulate General-NY, DOT inilunsad VIP Pinoy Tour ’27


ANG Philippine Consulate General sa New York at Philippine Department of Tourism-New York ay inilunsad ang Very Important Pinoy Tour 2027: Winter Escapade Edition noong Agosto 19 sa Philippine Center.
Nakatakdang ganapin sa Feb. 7-21, 2027 ang event at sa kauna-unahang pagkakataon pagsasamahin ang VIP Tour at Winter Escapade program.
Layunin nitong muling pagbuklurin ang mga manlalakbay mula Estados Unidos at Canada.
Magsisimula ang paglalakbay sa Maynila at magpapatuloy sa mga “pocket-tour” sa Leyte, Legazpi-Naga, Siargao, Camiguin, o Bohol at magtatapos sa pagitan ng Iloilo–Bacolod o El Nido, Palawan.
“Ito ay isang paglalakbay mula Luzon hanggang Mindanao. Ipagdiwang ang ating sari-sari at masiglang kultura,” ayon kay Consul General Senen Mangalile.
Sumuporta sa event sa pamamagitan ng video message si Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez.
Inihayag naman ni Tourism Attaché Maria Corazon Jorda-Apo na ang Amerika ang pangunahing pinagmumulan ng mga turistang dayuhan sa Pilipinas ngayong 2026.

