Acidre

Pananagutan ng mga socmed, online gaming platforms sa kaligtasan ng mga bata palakasin–Acidre

Mar Rodriguez Aug 25, 2026
166 Views

NANANAWAGAN ang chairman ng House Committee on Higher and Technical Education na si TINGOG Party List Rep. Jude Acidre na palakasin ng Kamara de Representantes ang pananagutan ng mga social media company, online gaming platform at iba pang digital services sa kaligtasan ng mga batang Pilipino.

Ayon kay Acidre, dapat tingnan hindi lamang ang mga insidenteng nagaganap sa loob ng mga paaralan kundi maging ang “digital spaces” kung saan malaking bahagi ng oras ng mga kabataan ay ginugugol.

Hindi dapat sisihin nang basta-basta ang social media o online games bilang pangunahing sanhi ng karahasan.

Gayunman, hindi rin umano dapat ipagsawalang-bahala ang impluwensiya ng mga digital platform sa pag-uugali ng mga kabataan, kabilang ang mga mapanganib na content na maaaring makita ng mga ito.

Sinabi ni Acidre na matagal nang malaking bahagi ng responsibilidad ang iniaatang sa mga magulang—ang pagbabantay sa paggamit ng cellphone, paglilimita sa screen time at pag-alam sa mga larong nilalaro ng kanilang mga anak.

Mahalaga ang papel ng mga magulang, paaralan at pamahalaan ngunit hindi dapat doon nagtatapos ang pananagutan.

Dapat ding managot ang mga kumpanyang kumikita mula sa atensyon, aktibidad at paggastos ng mga kabataang Pilipino sa kanilang mga platform.

Sinabi pa ni Acidre na dapat pag-aralan ng Kongreso ang isang “Social Media and Digital Safety Act” na magtatakda ng malinaw na “duty of care para sa social media companies, online gaming platforms, livestreaming services at iba pang digital services na malawakang ginagamit ng mga menor-de-edad.

Kabilang sa mga panukalang safeguard ang maaasahang age verification upang hindi madaling malusutan ng mga menor de edad ang age restrictions sa pamamagitan lamang ng paggamit ng maling birthday.

Iminungkahi rin ni Acidre na tugunan ang problema ng lubusang anonymous accounts.

Maaaring gumamit ng screen name o display name, ngunit dapat malaman ng platform kung sino ang nasa likod ng account upang mapanagot sa ilalim ng due process ang mga gumagamit nito sa pagbabanta, harassment, panloloko o iba pang krimen.

Para naman sa mga batang pinapayagang gumamit ng digital platforms, sinabi ni Acidre na dapat default na ang kaligtasan sa halip na isang opsyon na kailangang hanapin pa sa settings.

Kabilang sa mga iminungkahing proteksiyon ang mas mahigpit na privacy settings; limitasyon sa pakikipag-ugnayan sa mga hindi kakilala; paghihigpit sa location sharing;
proteksiyon laban sa hindi angkop na advertising; parental controls para sa access at screen time; at kontrol sa paggastos online.