Chua

Pagkakaiba ng sagot ni Acosta sa prosecution, defense suriin–Chua

Mar Rodriguez Aug 25, 2026
134 Views

HINILING ng House prosecution panel sa Senate Impeachment Court na suriin ang pagkakaiba sa pagsagot ng dating Office of the Vice President (OVP) Special Disbursing Officer na si Gina Acosta sa mga tanong ng prosecution at defense sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon sa mga prosecutor, tila nakadepende sa kung aling panig ang nagtatanong ang pagiging mabilis at detalyado ni Acosta sa pagsagot. Gayunman, hindi sila direktang nagsabing nagkunwari lamang siyang nahihirapan sumagot o na-coach bago ang pagdinig.
Sinabi ni Manila Rep. Joel Chua, miyembro ng House prosecution panel, na paulit-ulit na bumabalik si Acosta sa iisang sagot kahit magkakaiba ang isyung itinatanong sa kanya ng prosecution.

“Obvious naman iyong sagot niya: de-kahon. Kahit ano itanong mo sa kanya, iisa lang ang sagot niya. Ang turo kay Col. Lachica,” sabi ni Chua.

Tinanong ni private prosecutor Atty. Amando Ligutan si Acosta hinggil sa tila pagiging mapili nito sa pagsagot, partikular sa pagkakaiba ng kanyang mga tugon sa mga tanong ng depensa kumpara sa prosecution.

Ayon kay private prosecutor at legal spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr. hindi lamang mga salita ng isang testigo ang sinusuri ng korte upang matukoy ang kanyang kredibilidad.

Mahalaga rin umano kung paano nauunawaan, naaalala at sinasagot ng isang testigo ang mga tanong, lalo na kung magkaiba ang kanyang tugon sa magkakahalintulad na tanong.

Binanggit din ni Tolosa ang dating trabaho ni Acosta bilang stenographer sa Davao City Council na aniya ay nangangailangan ng mabilis na pag-unawa at pagtatala ng mga talakayan sa Filipino o Ingles.

Ngunit itinuro niya ang pagkakaiba sa naging pagsagot ni Acosta sa ilang tanong ng prosecution at sa kanyang performance nang magtanong ang defense counsel.

Ayon kay Tolosa, mabilis umanong nakasagot si Acosta sa mga tanong ng depensa, kabilang ang mga tanong na nasa Ingles at may teknikal na nilalaman.

“Nung abogado na nila ang nagtatanong sa depensa, ang bilis ng comprehension, ang sagot, puro English ang mga tanong. Marami, technical na matters pa ang tinatanong,” aniya.

Dagdag pa niya, may pagkakataong muling itinanong ni Ligutan ang mga tanong na nauna nang naiharap ng depensa ngunit nahirapan umanong sagutin ni Acosta.

Sinabi naman ni Chua na kapansin-pansin ang pagbabago sa pagsagot ni Acosta matapos bigyang-pansin ni Senator-Judge Erwin Tulfo ang kanyang naunang testimonya sa House, kung saan mas maayos umano siyang sumagot sa Tagalog.

“Nung na-call iyong attention niya ni Senator Erwin Tulfo, biglang dumiretso iyong kanyang pagsasagot sa wikang Tagalog,” ani Chua.