Calendar
Pagkakaloob ng benepisyo para sa mga mangingisda isinulong ni Oducado
ANG sektor ng mga mangingisda ang pinaka-mahirap at nasa dugyot na kalagayan sa ating bansa. Kaya isinulong ni 1-TAHANAN Party List Representative Nathaniel “Atty. Nats” M. Oducado ang panukalang batas upang mapagkalooban sila ng nararapat na benepisyo kaakibat din nito ang kapaki-pakinabang na tulong para mapabuti ang kanilang kalunos-lunos na pamumuhay.
Inihain ni Oducado ang House Bill No. 5009 sa Kamara de Representantes na naglalayong magkaroon ng pensiyon sa pamamagitan ng “Agricultural Pension Programs” ang mga mangingisda o fisherfolk kabilang na dito ang hanay ng mga magsasaka para matugunan o ma-address ang usapin sa kawalan ng social security at pension para sa dalawang sektor.
Ipinaliwanag din ni Oducado na ang mga mangingisda at magsasaka ay itinuturing bilang “most economically vulnerable sectors” sa ating lipunan sa kabila ng kanilang mahalagang papel at kontribusyon sa food security ng bansa.
Pagbibigay diin ng kongresista na ang sektor ng pangingisda (fisheries) at pagsasaka (agriculture) ang pinaka-puso ng Philippine economy dahil sa napakaraming kabuhayan na naibibigay nito sa kaban ng gobyerno subalit sa kabila ng lahat ng ito. Nananatiling mahirap at naghihikahos ang kalagayan ng mga mangingisda at magsasaka.
Sinabi ni Oducado na iniulat mismo ng Philippine Statistics Authority (PSA) na ang mga mangingisda at magsasaka ay nananatiling pinaka-mahirap na sektor sa lipunan matapos maitala noong 2023 ang poverty incidence sa hanay ng mga magsasaka sa pamamagitan ng 27.03% habang ang mga mangingisda naman ay nasa 27.4% na nangangahulugan dagdag pa ng mambabatas na kabilang sila sa “top three poorest groups” sa ating bansa.
Inihalimbawa din ni Oducado ang kuwento ng mangingisdang si Mang Romero mula sa Nueva Ecija na sa loob ng anim na pung taong pagta-trabaho ay nananatili paring naghihikahos ang kaniyang pamumuhay sa kabila ng anim na dekadang paglilingkod at pagseserbisyo.
Dahil dito, ipinaliwanag ng mambabatas na layunin ng House Bill No. 5009 na kilalanin ang fundamental role at malaking kontribusyon ng mga mangingisda at magsasaka sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kanila ng mga benepisyo katulad ng educational scholarship para sa kanilang mga anak, pension at social security, pagkakaroon ng PhilHealth at iba pang kahalintulad nito.

