Calendar
Pagkakaroon ng newborn health facilities iminungkahi
UPANG mailigtas ang libo-libong sanggol sa pamamagitan ng tamang pangangalaga matapos silang ipanganak, inihain ni Cavite 2nd District Representative Lani Mercado-Revilla ang panukalang batas para magkaroon ng “newborn health facilities” sa bansa.
Nakapaloob sa House Bill No. 2335 na isinulong ni Mercado-Revilla sa Kamara de Representantes na nilalayon nitong maipatupad ang Essential Intrapartum and Newborn Care (EINC) protocol sa ilalim ng Department of Health (DOH).
Ayon kay Revilla, ang kaniyang panukala na pinamagatang “Unang Yakap Act of 2025” ay naglalayon din na magkaroon ng ganitong pasilidad sa lahat ng paggamutan sa buong bansa para mapangalagaan ang mga bagong panganak na sanggol.
Sinabi din ng Cavite Lady solon na batay sa datos ng UNICEF. 22 sa bawat 1,000 na sanggol na ipinapanganak ng buhay sa Pilipinas ay hindi nakakaligtas o patay na ng iluwal. Kung saan, nakakabahala ang naturang bilang kaya dapat lamang na maipatupad ang “Unang Yakap” protocol.
Sa pagdiriwang ng “Breastfeeding Month” ngayong Agosto. Nananawagan si Revilla para sa agarang pagpasa ng kaniyang panukalang batas para mailigtas ang libo-libong sanggol na sa pamamagutan ng Unang Yakap protocol.
“We could have saved thousands of lives with breastfeeding and quality newborn care through Unang Yakap. The first embrace between mother and child is an act of love and a shield against possible illness and death,” pahayag ni Mercado-Revilla.
Ipinabatid pa ng kongresista na inilunsad ng DOH noong 2009 at suportado ng World Health Organization (WHO) at UNICEF ang Unang Yakap protocol na isang mabisang hakbang para makapagligtas ng buhay ng mga bagong panganak na sanggol.

