SOL Laguna Gov. Sol Aragones

Paglikha ng trabaho, kalusugan sentro ng panunungkulan ng Laguna gob

Gil Aman Oct 8, 2025
116 Views

STA. CRUZ, Laguna – Ipinagmalaki ni Laguna Gov. Sol Aragones ang mga pangunahing programa niya hinggil sa kalusugan at malawakang programa sa paglikha ng mga hanapbuhay, at ang pagkakatuklas ng bukol sa kanyang dibdib sa kanyang first 100 days in office.

Sa tatlong buwan na panunungkulan bilang gobernador, binahagi rin ni Aragones ang mga pinagdaanan niya sa likod ng matatag na ngiti at pagtatrabaho.

Habang siya ay nasa ospital ilang buwan na ang nakalipas, natuklasan ng mga doktor ang malaking bukol sa itaas ng kanyang dibdib. Sa sandaling iyon, tila gumuho ang kanyang mundo.

“Ang una kong naisip, paano ang anak ko? Kung cancer ito. Paano ang mga magulang ko? At pangatlo paano ang Laguna?” sabi ng pulitiko.

Sa gitna ng pangamba, nanalangin at humiling siya ng lakas sa Panginoon at lumabas ang test result na mababa ang posibilidad na cancer ang bukol.

Sa parehong araw na nakita siya sa ospital, agad siyang sumailalim sa operasyon.

Isang gabi lamang siyang nanatili roon bago nagpasyang bumalik agad sa trabaho.

“Bukas babalik agad ako sa kapitolyo, bukas itutuloy ko na agad ang pangako sa mga kababayan ko,” dagdag ng pulitiko.

Ngayon, habang nagpapatuloy siya sa kanyang pamumuno matapos ang unang 100 araw, dala ni Aragones hindi lamang ang mga aral ng pamahalaan, kundi ang malalim na pag-unawa na ang buhay, pamumuno, at pananampalataya ay mahigpit na magkaugnay.