Calendar
Nilatag ni Public Works Secretary Vince Dizon ang proposed budget ng DPWH sa Senate Finance Committee na pinangunahan ni Senator Sherwin Gatchalian nitong Oktobre 20, 2025. Kuha ni JOSEPH MUEGO
Paglilinis ng DPWH from top to bottom isinusulong
“ANG utos po ng Pangulo sa atin ay linisin ang DPWH from top to bottom. Panagutin ang dapat panagutin.”
Ito ang mariing pahayag ni Public Works Secretary Vince Dizon sa patuloy na pagdinig ng Senado ngayong Lunes sa ₱625.65 bilyong panukalang badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa 2026. Tuloy-tuloy pa rin ang interpelasyon habang ibinubulgar ng mga senador ang mga proyekto ng ahensyang umano’y overpriced, atrasado, o hindi naipatupad.
Unang nagsalita si Senador Sherwin Gatchalian, na muling binigyang-diin ang mandato ng Senado laban sa katiwalian. “We will not allow the same mistakes and the same corruption to happen in 2026,” aniya. Pinuri niya ang paninindigan ni Dizon pero sinabayan ito ng biro: “Dati mukha kang 50, ngayon mukha ka nang 80. Buti na lang makapal pa buhok mo.”
Itinuro naman ni Senador JV Ejercito ang paulit-ulit na problema sa flood control projects. “We get drainage projects per district instead of full-scale solutions like dams and spillways,” aniya.
Iminungkahi niya ang pagpasa ng MIND Act para sa long-term planning na hindi nakatali sa district-level politics. Binanggit din niya ang problema sa “license lending” at sa sobrang billing kahit wala pa ang kalahati ng aktwal na trabaho.
Hindi rin nagpahuli si Senador Paolo Benigno “Bam” Aquino IV na ibinunyag na 22 lamang sa target na 1,700 classrooms para sa 2025 ang natatapos. “Even just saying it, sumasakit po ang puso ko,” ani Aquino. Itinaas niya ang isyu ng sobrang gastos — ₱3.5 milyon kada classroom sa DPWH, kumpara sa ₱1.5 milyon sa NGOs. Nanawagan siyang tanggalin sa DPWH ang pagpapatayo ng classrooms at ilipat ito sa LGUs at NGOs.
Ipinanawagan naman ni Senadora Loren Legarda ang isang mas malawak na solusyon — pag-cap sa taunang badyet ng DPWH. “There must be a limit,” aniya. “What’s the use of budgeting ₱800 billion if the absorptive capacity is low?” Tinuligsa rin niya ang hindi pantay-pantay na alokasyon. “Ang liit-liit ng probinsya, ang laki ng budget,” dagdag niya. Ayon kay Dizon, “There is this parametric formula… but we really cannot understand it.” Nangako siyang papalitan ito sa 2027.
Sa kanyang tugon, kinumpirma ni Dizon na may 421 proyekto na kasalukuyang sinusuri bilang posibleng ghost projects, at 12 ang iniimbestigahan na ng Philippine Competition Commission.
Tinatayang ₱2.5 bilyon ang maaaring mabawi. Ipinahayag din niya na ibinaba na ng DPWH ang orihinal na panukalang badyet mula ₱881.31 bilyon pababa sa ₱625.78 bilyon. Nangakong maglalabas siya ng public cost portal, magpapa-audit ng materials pricing, at makikipagtulungan sa DepEd para sa classroom backlog sa 2026.
Habang nagpapatuloy ang pagdinig, inaasahang mas hihimayin pa ng mga senador ang bawat linya ng proyekto. Ngunit ayon kay Dizon, malinaw ang utos ng Pangulo: “Panagutin ang dapat panagutin. Ayusin ang presyo, ang disenyo, at ang timeline ng bawat proyekto.”

