Calendar
Pasimpleng palusot, smuggling nabulgar
ISINIWALAT ng Senado ang umano’y “pasimpleng palusot ng mga sindikato ng Chinese smugglers at exporters” na nakikipagsabwatan sa ilang opisyal ng pamahalaan at lokal na negosyante para magpasok ng mga produktong agrikultural na peke ang deklarasyon.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform (CAFAR) na pinamunuan ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, lumabas sa mga dokumento at presentasyong iniharap sa komite ang mga koneksiyon ng ilang kumpanya sa Pilipinas sa mga exporter sa China na sangkot umano sa malawakang smuggling sa Port of Subic.
“Nabubuo na ang big picture. Parang sa mga POGO, galing China ang isang ulo ng kamadang sindikato sa agricultural smuggling,” ani Pangilinan. “Malaking panganib ang mga smuggled na pagkain … walang physical inspection o chemical analysis.”
Binanggit ng senador ang ₱68-milyong kargamento ng frozen mackerel mula China na idiniklarang “chicken poppers” bilang halimbawa ng paggamit ng dummy consignees at “rent-a-license” sa pakikipagsabwatan sa ilang tauhan ng BOC at DA.
Ayon kay Pangilinan, sapat na ang mga circumstantial evidence para paniwalaang may mga negosyanteng lokal at opisyal ng pamahalaan na kasabwat ng mga sindikatong Chinese sa smuggling.
Aniya, “ang mga Chinese smuggling rings ay pinoprotektahan ng ilang opisyal at empleyado ng Bureau of Customs, National Bureau of Investigation, Philippine National Police, Department of Agriculture, Department of Justice, at Bureau of Immigration.”
“…who allow these Chinese smugglers and their local partners to operate freely, occasionally raiding and seizing smuggled agri-products to show a semblance of law enforcement while ensuring that no big-time smuggler is prosecuted for the non-bailable offense of economic sabotage,” dagdag ng senador.
Binalaan niya ang mga lumalabag na ang economic sabotage ay may parusang habambuhay na pagkakakulong at multang tatlong beses ang halaga ng kargamento sa ilalim ng Republic Act 12022, habang ang mga logistics firms na mapapatunayang sangkot ay maaaring makulong ng 20 hanggang 30 taon at mawalan ng lisensya.
Sa pagdinig, inamin ng ilang driver at trucker na tumanggap sila ng utos mula sa isang lalaking tinawag na “Sir Chugz” para kumuha ng gate pass sa Customs.
“Una po, sabi Valenzuela ang biyahe, tapos biglang naging Angat, Bulacan,” ayon kay Joel Mariano Gutierrez, driver ng R6 Trucking Services.
Paliwanag naman ng BOC official, walang direct contact ang kanilang tanggapan sa mga broker dahil sa “no-contact policy” at portal system, na tinuligsa ni Pangilinan.
“So how do you explain why 1024 Consumer Goods Trading was able to register when … the broker owner doesn’t know the owner?” tanong ng senador.
Idineklara rin ng komite na Erwin Pascual ng EPCB Consumer Goods Trading at Andrew Malcolm Calixihan, Deputy Collector sa Port of Subic, ay cited in contempt dahil sa pagsisinungaling sa harap ng Senado.
“Lahat ng sangkot sa pag-smuggle ng pagkain ay kaaway ng mga magsasaka, mangingisda at mamimili,” babala ni Pangilinan. “Titiyakin natin na matutuloy ang imbestigasyon at may makukulong sa economic sabotage.”

