Calendar
Source: DA file photo
Pagpapababa ng presyo ng pagkain nananatiling prayoridad ng Kamara ngayong 20th Congress- Garin
ANG pagpapababa ng presyo ng pagkain ay kasama sa mga prayoridad ng Kamara de Representantes ngayong 20th Congress, ayon kay Iloilo Rep. Janette Garin.
Ikinatuwa rin ni Garin, isang Deputy Majority Leader noong 19th Congress, ang ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumaba ng halos kalahati ang food inflation — mula 8 porsyento noong 2023, bumaba ito sa 4.5 porsyento ngayong 2024.
“That is very good news, kasi sa governance natin… tatlo naman ang kailangan talaga natin: pagkain, kalusugan at trabaho,” ayon kay Garin.
Tiwala rin si Garin na muling maihahalal si Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez bilang Speaker sa pagbubukas ng sesyon ng 20th Congress sa Lunes dahil sa kanyang napatunayang pamumuno noong 19th Congress.
“Naniniwala kami na siguradong mananalo as Speaker of the 20th Congress si Cong. Martin Romualdez. Kaya nga pinu-push ulit ‘yung Murang Pagkain super committee, the Quinta Comm, which was geared to address areas kung saan nagiging mahal yung pagkain,” ani Garin.
Paliwanag pa ng lady solon na sa isinagawang pagsusuri ng Quinta Committee noong nakaraang Kongreso, natuklasang ang landed cost ng imported rice ay nasa P33 hanggang P35 lamang kada kilo, ngunit ibinebenta ito ng P60 dahil sa sobrang patong ng mga mapagsamantalang middlemen at traders.
“Nakikita natin iyon sa bigas iimbestigahan sya eh, yung landing cost 33 pesos to 35 pesos. Sa dami ng mga gastusin at logistics, pinakamahal na siguro ibenta mo ‘yan 43 to 45, pero umaabot ng 60 pesos kasi nga ang daming scrupulous middlemen in between,” giit ni Garin.
Dagdag ng mambabatas, “And this will be revived in the 20th Congress, and it will not only address rice, it will address itlog, tubig, at lahat pa ng commodities. So kaya talagang pababain ang presyo ng pagkain.”
Hinikayat din ni Garin ang publiko na magtanim ng gulay sa bakuran dahil isa na ito sa mga kinakailangan para makakuha ng benepisyo mula sa Ayuda Para sa Kapos ang Kita (AKAP) program.
“That is why, again, AKAP is very important, kasi iyon yung pantawid na nung ating ibang minimum wage earners. Like in my district, well it’s a local initiative pero ginawang requirement na maski ikaw ay below minimum wage earner, kailangan nagtatanim ka ng mga gulay sa iyong palibot. And all of these contribute to the reduction of food prices,” paliwanag ni Garin.

