Calendar
Makikitang kasama nina Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez at Ilocos Norte 1st. District Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos si Archbishop Cardinal Jose Advincula ng Roman Catholic Archdiocese na Manila pagkatapos ng Misa ng Pasasalamat bilang paggunita sa pagbubukas ng ika-20 Kongreso sa Minor Basilica at Metropolitan Cathedral ng Immaculate Conception sa Intramuros, Maynila nitong Linggo ng hapon. Kuha ni VER NOVENO.
220 kongresista dumalo sa Thanksgiving Mass para sa pagbubukas ng sesyon ng 20th Congress
HINDI bababa sa 220 miyembro ng Kamara de Representantes, sa pangunguna ni Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez ang dumalo sa isang Thanksgiving Mass nitong hapon ng Linggo bilang paggunita sa pagbubukas ng sesyon ng 20th Congress sa Lunes.
Ang misa ay ginanap sa Minor Basilica and Metropolitan Cathedral of the Immaculate Conception sa Intramuros, Maynila, at pinangunahan ni Archbishop Cardinal Jose Advincula ng Roman Catholic Archdiocese of Manila (RCAM).
Ayon kay Tingog Party-list Rep. Jude Acidre, ang misa ay isa ring pagpapahayag ng pag-asa para sa isang mas maayos at mas matatag na Pilipinas. Idinagdag din nila na ang pagtitipon ay hindi lamang isang tradisyon kundi isang pahayag ng pananampalataya.
“This Thanksgiving Mass is more than tradition—it’s a moment of reflection and unity as we begin the 20th Congress. We seek guidance to serve with integrity, wisdom, and a heart for the Filipino people,” ani Acidre.
“As we open a new chapter in Congress, we anchor ourselves in faith—asking for strength, clarity, and compassion in the laws we craft and the decisions we make for our nation,” dagdag pa niya.
Kabilang sa mga concelebrant ng misa sina Bishops Antonio Tobias, Oscar Jaime Florencio, at Elias Ayuban Jr. Naroon din sina Msgr. Bernie Pantin, Secretary-General ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), at iba pang matataas na opisyal ng Simbahang Katolika.
Ilan sa mga dumalo ay sina Reps. Leila De Lima, David “Jay-Jay” Suarez, Democrito Mendoza, Rodge Gutierrez, Joel Chua, Terry Ridon, Perci Cendaña, Rufus Rodriguez, Jam Baronda, at dating Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales II, at iba pa.
Sa ngalan ng House of Representatives, ipinahayag ni Acidre ang kanyang pasasalamat kay Cardinal Advincula bilang pangunahing tagapagdiwang ng misa.
Nagpasalamat din ang mga mambabatas sa choir at liturgical ministers, mga kawani ng Kamara, congressional staff, at lahat ng tumulong sa pag-oorganisa ng Thanksgiving Mass.

